Mga residente sa Siargao, kinundena ang planong pagtatayo ng ‘Chabad House’ ng mga Israeli sa Isla

Naglunsad ng protesta ang nasa 80 residente ng Siargao na kinabibilangan ng mga lokal, migrante at alyado, sa Sunset Bridge sa Catangnan noong Setyembre 14, bitbit ang panawan na “Siargao Against Occupation.” Kinundena nila ang nagaganap na henosidyo sa Gaza, ang unti-unting pananakop ng mga Israeli sa kanilang isla at ang planong pagtatayo ng Chabad House dito.

Nagpahayag ng suport at pagpupugay ang Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA) sa pagkilos at pagtindig ng mamamayan ng Siargao.

“Pinagpupugayan namin ang makasaysayang pagkilos ng mga residente ng Siargao, sa kabila ng pananakot at pagtanggi ng lokal na gubyerno na bigyan ng permiso ang kanilang pagkilos ay matapang paring nagmartsa upang ipahayag ang kanilang pakikiisa sa mga Palestino at laban sa pananakop ng mga setler na Israeli kanilang isla,” pahayag ng PPFA.

Ayon sa mga residente, sa mga nagdaang buwan, parami nang parami ang mga Israeli na nagbabakasyon sa Siargao. Ayon sa datos, pinakamalaking konsentrasyon ng mga Israeli ay nasa Siargao. Karamihan sa mga ito ay mga sundalo ng Israeli Defense Force (IDF) na kakagaling lamang sa gera sa Gaza. Madalas na inirereklamo ng mga lokal at migrante sa isla ang kawalan ng respeto ng mga Israeli sa kultura at mamamayan ng Siargao.

Anila, malaking banta sa kultura ng isla at buhay ng mamamayan ang planong pagtatayo ng Chabad House sa Siargao. Sa pagtatayo ng establisyamento na ito, nagiging kanlungan para sa mga kriminal sa digma ang isla habang unti-unti napapalayas ang mga residente.

Dagdag dito, ang okupasyon at pang-aapi sa mga Palestino ay isang malagim na paalala sa maaring kahinatnan para sa Siargao kung hahayaan ang pananakop ng mga Israeli sa isla.

Habang hindi pa tinatayo ang Chabad House, ay nangungupahan ang mga dayo ng isang bahay sa Purok 1, General Luna, na tinawag na “Israeli House.” Umani ng reklamo mula sa mga residente ang presensya nito sa kanilang komunidad dahil sa ginagawang ingay, basura, at ugali ng mga Israeli.

Maliban sa Siargao, nakapagtayo na ng Chabad House sa Manila, Clark, Cebu, Boracay at El Nido.

Ang Chabad house ay sentro ng relihiyon ng mga Israeli. Bagamat hindi ito nageenganyo na magpakumbert sa Judaism, nagsusulong ito ng Noahidism, isang relihiyosong kilusan na target ang mga hindi hudyo.

Naglunsad din ng petition signing ang mga residente laban sa pagtatayo ng Chabad House at kasalukuyang nakapag-ani na ng 3,550 na pirma.

Source link