Inambus ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command) ang tropa ng 94th IB at CAFGU na nag-ooperasyon sa Sityo Balao, Barangay Tan-awan, Kabankalan City noong Setyembre 4. Tatlo ang nasugatan sa mga pasistang sundalo.
Ayon kay Ka Dionisio Magbuelas, tagapagsalita ng yunit ng BHB, naghahasik ng takot at karahasan sa mga komunidad ng Kabankalan City ang higit tatlong buwan nang operasyong kombat ng mga sundalo at CAFGU. Kasa-kasama rin nila sa operasyon ang ilang traydor sa rebolusyon na aktibong nagpapagamit sa militar.
Sa pahayag ng 3rd ID, pinalalabas nitong isang sundalo lamang nila ang nasugatan sa armadong opensiba ng hukbong bayan para pagtakpan ang pagkatalo. Nagpakalat pa ito ng kasinungalingan na mayroong nasugatan sa panig ng BHB-South Central Negros.
Dahil sa pinsalang tinamo ng mga sundalo, gumanti ito sa pagahahasik ng takot sa mga sityong sakop ng Barangay Carol-an. Walang-patumanggang namaril ang 94th IB at mga CAFGU ng halos dalawang oras na nagtulak sa 116 sambahayan (480 indibidwal) mula sa mga sityo ng Palawis, Balao, at Alambihod na lumikas.
Animo’y hindi sila ang dahilan ng pagbabakwit, pakitang-taong bumalik ang 94th IB kasama ang lokal na gubyerno ng Kabankalan City sa Barangay Carol-an noong Setyembre 5 para “mamahagi” ng pagkain at serbisyong medikal sa mga pamilyang napalayas. Isinagawa din ng batalyon ang mga “dayalogo sa kapayapaan” sa mga sibilyan, na sa katotohanan ay saywar at pagbabanta sa kanila.











