Ang pag-alam ng mga bata sa isyu ng lipunan ay hindi terorismo—Salinlahi

Kinundena ng grupong Salinlahi Alliance for Children’s Concerns ang pagparatang ng NTF-Elcac sa “korapsyon ng isipan” at “terror grooming” diumano ang ginagawa ng mga organisasyong nagmumulat sa kabataan hinggil sa mga panlipunang isyu.

“Nagkakamali ang NTF-Elcac sa pag-aakala na malilinlang nito ang mamamayan, lalo ang kabataan sa mga ganitong pasistang linya,” paliwanag ng Salinlahi.

Ayon sa grupo, lahat ng bata ay may karapatang malaman ang mga isyung panlipunan na tiyak na nakaaapekto sa kanya. Karapatan ng bawat bata na maging bahagi ng mga samahang pambata bilang daluyan ng kanyang inisyatiba, at karapatan niya ring lumahok sa mga kultural at sosyo-sibikong aktibidad ng kanyang komunidad.

“Lahat ng ‘yan ay mga batayang karapatan ng isang bata para sa kanyang pag-unlad at hindi terorismo. Ang mismong pagbansag sa mga batang kumikilos para sa mga karapatan nila at ng kapwa nila bilang terorista ay isang paglabag sa kanilang karapatang-tao,” ayon sa grupo.

“Kaya ang panawagan ng mga bata at child rights advocate sa buong bansa: Abolish NTF-Elcac!” panawagan nito.

Source link