2026 badyet para sa kalusugan, nakamamatay

Naglunsad ng pagkilos sa labas ng House of Representative ang mga estudyante at manggagawa pangkalusugan sa ilalim ng Coalition for People’s Right to Health (CPHR), Health Alliance For Democracy, Council for Health and Democracy at Health Action for Human Rights (HAHR) noong Setyembre 4 upang kundenahin ang panukalang alokasyon ng rehimeng US-Marcos na P320.5 bilyon para sa kalusugan sa taong 2026.

Ayon sa CPRH, ilusyon at nakamamatay ang panukalang maliit na pondo. Minamaliit ng rehimen ang paghihirap ng mamamayan na walang akses sa kinakailangang serbisyong kalusugan. Kulang ang mga duktor at ospital, di sapat na dami ng kama, mahabang pila para makakuha ng libreng diagnostic test, mataas ang gastusin sa ospital at iba pa.

“Sa kasalukuyang kalagayan, nasa krisis na ang pampublikong kalusugan. Ang panukalang badyet ay napakalayo sa kailangan para makapagbigay ng tunay na libreng serbisyo sa kalusugan,” paliwanag ni Dr. Jamie Dasmarinas, co-convenor ng CPRH. Ang panukalang badyet ay napakaliit at walang epekto sa buhay ng mga pasyente. Ang mga ospital sa DOH ay makakakuha lamang ng P23.9 bilyon.

Ang malala, kinaltasan ang badyet para sa pangunahing mga serbisyo at programa tulad ng pagtatayo ng mga pasilidad, epidemiology and surveillance program, health emergency management, Nationally-Procured Commodities for Prevention and Control of Non-Communicable Diseases, Disease Prevention and Control at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients.

Sa kabilang banda, dinagdagan ang badyet para sa imprastruktura, modernisasyon ng AFP, confidential and intelligence funds, depensa at NTF-Elcac.

“Naniniwala kami na ang alokasyon na hindi bababa sa 5% ng gross domestic product o hindi bababa sa P1.3 trilyon para sa kalusugan ay sapat para makapagpatupad ng libreng serbisyo sa kalusugan, isang mapagkalinga na pampublikong sistema ng serbisyong kalusugan na nararapat para sa masisipag na Pilipino,” dagdag ni Dr. Gil Catalan, pangkalahatang kalihim ng Health Workers Partylist.

“Nananawagan ang CPRH na ilantad at panagutin lahat ng tiwali na upisyal, ilaan ang 5% ng GDP sa kalusugan, mag-organisa at magpakilos para libre, komprehensibo at kalidad na pampublikong serbisyo sa kalusugan, tugunan ang problema sa kahirapan at kumilos para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon,” paliwanag ng grupo.

Source link