Sa ilalim ni Marcos, may “kapayapaan” para sa iilan, kamatayan ang para sa mamamayan

Halos dalawang buwan na ang nakaraan nang harap-harapang ideklara ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang State of the Nation Address na “wala nang grupong gerilya” sa bansa. Agad naman siyang nasampal sa mukha ng magkakasunod na ulat ng armadong labanan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa iba’t ibang rehiyon.

Pero hanggang ngayon pinaninindigan pa rin ng rehimeng Marcos ang balu-baluktot nitong datos. Sa pahayag kahapon ni Col. Francel Margareth Padilla, 1,300 daw na myembro at tagasuporta ng BHB ang “nanyutralisa” ng AFP mula Enero hanggang Agosto 28 ngayong taon.

Buuin natin ang kanilang mga datos: Noong Hulyo 9 sinabi ng AFP na halos 1,000 na raw ang “nanyutralisa” nila. Sa SONA ni Marcos noong Hulyo 28, wala na raw grupong gerilya. Pero pagdating ng Agosto 28, may mahigit 300 pala silang dagdag na “nanyutralisa.” Ano ba talaga? Pinupulot na naman nila sa hangin ang “mga nakakamit” nila.

Ito ang hindi galing sa hangin: Walong taon na ang National Task Force-Elcac at higit tatlong taon na itong ipinagpapatuloy ng AFP at rehimeng Marcos, ngunit lalong dumami ang naghihirap at nagugutom. Ngayong taon, nasa 55% o 15.5 milyong pamilyang Pilipino ang itinuturing ang sarili bilang mahirap. Mula 2022 hanggang 2025, dumoble ang bilang ng nagugutom tungong 7.5 milyon. Nasa 38.2 milyon ang nasa impormal na paggawa, kung saan karamihan ng trabaho ay mababa o walang sahod at hindi pangmatagalan. Pag-amin mismo ng gubyerno, nahuhuli ang Pilipinas sa pagkamit sa 79% ng sustainable development goals o SDGs ng United Nations. Hindi ramdam ng mamamayan ang sinasabing bumababang presyo ng mga bilihin at pag-unlad ng bansa. Puro panakip-butas at di-sustenableng limos ang ipinamumudmod ng gubyerno sa mahihirap.

Ang umuunlad ay ang iilang nang-aapi at nananamantala. Mula 2015, lumaki nang 563% ang kita ng tatlong pinakamayayamang burgesya kumprador na sina Enrique Razon, Manuel Villar, at Ramon Ang. Nasa ₱1.8 trilyon ang kabuuang yaman nila. Ang yaman ng 2% pinakamayayamang pamilya ay kasing laki ng yaman ng 80% pinakamahihirap na pamilya. Lumaki nang 78% ang taunang kita ng 1,000 pinakamayayamang korporasyon noong 2023. Sina Razon, Villar, at Ang, bilang nasa likod ng tatlong malalaking partido politikal sa bansa, ay nakatitiyak na sa interes nilang mga oligarko magsisilbi ang mga patakarang pang-ekonomiya ng gubyerno. Tiba-tiba ang kita nila mula sa malalaking kontrata, pribilehiyo sa pagbubuwis, pambabarat sa sahod at iba pang anti-mamamayang patakaran, habang lugmok sa kahirapan ang malawak na sambayanan.

Pero matagumpay daw ang NTF-Elcac. Libu-libo ang napasuko, nahuli at napatay. Maraming baryo na raw ang “na-clear” ng impluwensya ng BHB. Sabi nila, marami nang napatayong kalsada, klasrum, at proyektong pangkabuhayan, kaya may kaunlaran na, mapayapa na. Sabi nga ni Marcos, wala nang grupong gerilya.

Pero sa pag-amin mismo ng NTF-Elcac noong 2024, 94% ng mga proyekto nito sa ilalim ng SBDP ay hindi tapos. Kahit paniwalaan ang NTF-Elcac na ang pagkakaroon ng mga kalsada ang sukatan ng kaunlaran, puro naman lista sa tubig ang mga pangako nila. At kahit pa maging “100% completed” ang mga proyekto ng SBDP, hindi nito maiaahon sa hirap ang masa at magsisilbi lang sa ibayong pagkamal ng yaman ng naghaharing uri. Kahit ang mga “surenderi,” nagsasabing wala namang nagbago sa mga buhay nila mula nang mapasuko. Kalakhan ng mga napatay o napasuko ay mga wala sa katayuang lumaban, aktibista o ordinaryong sibilyan.

Ang talagang nakamit ng rehimeng Marcos, AFP at NTF-Elcac ay ang kapayapaan at kaunlaran para sa iilan, kung saan sila-sila lang din ang mga nakikinabang sa pagpapanatili sa bulok na sistema. Kahirapan at kamatayan naman ang natamo ng mamamayang pinahihirapan at sinasamantala, kaya nag-aasam ng tunay na pagbabago.

Kung nais talaga ng rehimeng Marcos na makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran, yaong tinatamasa ng mamamayan ang bunga ng kaunlaran, seryoso nitong haharapin ang ugat ng armadong tunggalian. Maaari nitong pagtibayin ang mga kasunduang dati nang pinirmahan ng GRP at NDFP, na nakabalangkas alinsunod sa layuning ito.

Kung haharapin nito ang ugat ng armadong tunggalian, haharapin nito ang usapin ng kahirapan, kagutuman, pangangamkam ng lupa, pandambong sa kalikasan, atrasadong agrikultura, kawalan ng mga industriya, pambabarat sa sahod, mga serbisyong ginagawang negosyo, kawalan ng demokrasya, hustisyang panlipunan at pagpapaalipin sa dayuhang bayan. Susing mga usapin dito ang repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon, tunay na kalayaan at kasarinlan.

Kung matugunan ang mga usaping ito, makakamit ang tunay na kaunlaran para sa mamamayan, na siyang lilikha ng mapayapang komunidad. Sa mga lugar kung saan nakaiiral na ang rebolusyonaryong gubyerno, nakapagpapatupad ng rebolusyong agraryo, at may malakas na presensya ng hukbong bayan, hindi aligaga ang masa sa kung ano ang kakainin, kung magkasakit sila, paano makapagpapaaral, o kung kailangan ba nilang magnakaw para mabuhay. Umiiral ang kaayusan at katahimikan dahil natutugunan ang kanilang pang-ekonomiyang hinaing, nawawala ang kundisyon na magtutulak sa kanila sa anti-sosyal na gawain, at napagkakaisa sila ng BHB at ng isang gubyernong tunay na naglilingkod sa kanila. Ang mga tagumpay na ito ang pilit na sinisira ng pasistang kampanyang kontra-insurhensiya.

Hindi hinaharap ng rehimeng Marcos ang ugat ng armadong tunggalian dahil direkta itong bumabangga sa interes nitong manatili ang kasalukuyang bulok na sistema. Sa simplistiko at utak-pulbura nitong paggigiit sa BHB na magsalong ng armas, kasabay ng marahas na pagsupil sa mga nananawagan ng tunay na pagbabago, napatutunayan na nais lang nitong manatiling lugmok sa kahirapan hanggang malibing sa hukay ang sambayanang Pilipino.

Samkatuwid, lalo nitong tinutulak ang mamamayan na mag-armas at isulong ang digmang bayan. Habang patuloy na lumolobo ang bilang ng kanilang “nanunyutralisa,” ang pasistang rehimen naman ang numero-unong nagpapalaki at nagpapalakas sa BHB.

Source link