Mga grupong Pilipino, kinundena ang bagong panghihimasok ng US sa Venezuela

Nakiisa ang Philippines-Bolivarian Venezuela Friendsip Association (PBVFA) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa inilunsad na Global Day of Solidarity with Venezuela and for Peace in Latin America and the Carribean noong Agosto 31. Isinagawa ang pakikiisa sa gitna ng kampanyang disimpormasyon ng US na nagparatang sa bansa bilang sangkot sa narcotics trafficking o transportasyon ng iligal na droga. Tinawag ng PBVFA ang disimpormasyon bilang “isa na namang katawa-tawang sangkalan para bigyan-katwiran ang interbensyon ng US” sa Venezuela.

Kasabay ng kampanyang disimpormasyon, dinumog ng pitong barkong pandigma ng US ang karagatan malapit sa Venezuela sa kunwa’y operasyon laban sa mga kartel ng iligal na droga. Tiningnan ito ng presidente ng Venezuela bilang banta ng pananalakay at sinabing handa ang mga Venezuelan na ipagtanggol ang kanilang soberanya. Kinutya din niya ang pagpapadala ng US ng nukleyar na submarino sa karagatan ng Venezuela na kunwa’y para labanan ang mga kartel sa droga.

“Hinding-hindi sila makapapasok sa Venezuela,” ayon kay Nicolas Maduro, presidente ng bansa. Aniya, handa ang militar at mamamayan ng Venezuelan na ipagtanggol ang kanilang bansa at soberanya. Handa rin silang saklolohan ng katabing bansa na Colombia, na nagpadala na ng 25,000 sundalo sa hangganan ng dalawang bansa para tumulong sakaling kakailanganin ito ng Venezuela.

Malinaw na ang pagpapadala ng US sa Caribbean laban sa Venezuela ay huli lamang sa maraming pakana ng US para palitan ang rehimen sa bansa, ayon sa Bayan. “Nakakagalit ang pagpapaigting na ito, malinaw na ganti sa matatag na paglaban ng mga Venezuelan sa mga interbensyon at gerang agresyon ng US, na walang ibang idinulot kundi pandarambong, pasistang teror, pagyurak sa pambansang soberanya at ang paggamit sa mamamayan bilang pambala sa mga proxy na gera sa maraming bansa sa mundo,”

“Matagal nang pinarurusahan ng US ang mamamayang Venezuelan sa ipinataw nitong mga sangsyon sa ekonomya at blokeyo na puminsala nang matindi sa akses sa batayang pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at serbisyong pangkalusugan, at nagresulta sa isang krisis panlipunan na nagpwersa sa marami na lumabas sa bansa, at maging target at biktima lamang sa pasista at imperyalistang patakaran ng US kaugnay sa mga imigrante,” pahayag naman ng PBVFA.

Nanawagan ang PBVFA at Bayan sa “lahat ng mamamayang nagmamahal sa kapayapaan at kalayaan” na tumindig laban sa mga gerang agresyon at interbensyon ng US, ibunyag ang mga huwad nitong mga pagdadahilan at palakasin ang kilusan para sa tunay na kapayapaan na nakabatay sa hustisya at soberanya.

Kasama ang iba pang mga anti-imperyalistang mga organisasyon sa buong mundo, panawagan nila ang: Hands off Venezuela!

Source link