Mariing kinundena ng Gabriela Women’s Party (GWP) ang paniniktik at sapilitang pagpasok ng isang indibidwal sa upisina nito sa Project 4, Quezon City noong Agosto 19.
Ayon sa grupo, isang indibidwal na nagpakilalang Jayson Tiongson ang nagpumilit na pumasok sa upisina. Sa kabila ng pagtutol ng istap ng grupo, agresibong pinasok at nilibot ni Tiongson ang upisina, at nagmamasid sa mga kwarto.
Nang tanungin ng istap ang kanyang pakay, wala siyang malinaw na paliwanag. Una ay sinabi niyang nanghihingi siya ng materyal na donasyon para sa mga bakwit. Kalaunan ay naglabas siya ng sobre at humingi na ng pera. Nagpakilala si Tiongson bilang kasapi ng Jesus Is Lord (JIL).
Pagkatapos ng insidente ay agad na nakipag-ugnayan ang GWP sa pamunuan ng JIL sa Quezon City na nagsabing wala itong myembro na nagngangalang Jayson Tiongson at wala rin itong solicitation drive tulad ng binanggit ng indibidwal.
Anang ng grupo, pangalawang beses na ito ng tangkang paniniktik at sapilitang pagpasok sa kanilang upisina ng naturang indibidwal.
“Ang insidenteng ito ay bahagi ng tuluy-tuloy na atake laban sa mga progresibong party-list at organisasyon. Ganito rin ang matagal nang ginawa ng estado mula sa surbeylans hanggang sa iba’t ibang porma ng panggigipit upang takutin at pahinain ang mga progresibong party-list at organisasyong walang humpay na nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan,” paliwanag ng GWP.
“Hindi matitinag ang GWP sa harap ng pangigipit at pananakot. Patuloy kaming lalaban para sa karapatan, katarungan at kapakanan ng kababaihan at ng masang anakpawis,” dagdag ng grupo.











