Magsasaka sa Lupang Ramos, sinampahan ng gawa-gawang kaso ng 2nd CMO Battalion

Kinundena ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan ng Lupang Ramos (KASAMA-LR) ang panggigipit at pagsampa ng gawa-gawang kaso ng mga elemento ng 2nd Civil-Military Operations (CMO) Battalion ng Philippine Army laban sa mga residente ng Purok 1, barangay Langkaan 1, Darmarinas, Cavite.

Noong Agosto 17, nakatanggap sina Jojo Mercado, Miriam Villanueva at iba pang residente ng Purok 5 ng abiso mula sa barangay hinggil sa hinaing reklamong grave coercion laban sa kanila dahil diumano sa pagtanggi nilang magbenta ng napkin kay 2nd Lt. Ann Kea Guillepa ng 2nd CMO.

Ayon sa mga residente, ang reklamo ay walang basehan at isa lamang sa maraming paraan ng pananakot na ginagawa ng militar sa lugar. Dagdag ni Mercado, karapatan niyang pumili kung sino ang pagsisilbihan sa kanyang tindahan. Giit nya, ilang ulit na siyang ginugulo ng mga sundalo. Si Mercado ay kasalukuyang pangkalahatang kalihim ng KASAMA-LR at ika-5 nominado ng Gabriela Women’s Party noong nakaraang eleksyon.

Ang panggigipit na ito ay bahagi ng iba’t ibang uri ng intimidasyon na kanilang nararanasan mula ng isailalim sa militarisasyon ang Lupang Ramos ng 2nd CMO at Task Force Ugnay, gaya ng red-tagging, pagpapakalat ng paninira laban sa organisasyon at mga myembro nito, pag-aalok ng bahay at lupa kapalit ng pagsuko ng kanilang pakikiba. Layon ng mga pasistang sundalo na palayasin ang mga residente at supilin ang paglaban ng mamamayan para sa kanilang karapatan sa lupa.

Ang 372 ektaryang lupain sa Lupang Ramos ay lehitimong pagmamay-ari ng mga magsasaka at mamamayan sa komunidad. Mula pa 2014, inaagaw ng ang lupa ng Na­tio­nal Grid Corporati­on of the Phi­lip­pi­nes’ (NGCP) para tirikan ng mga poste ng kuryente. Ayon sa grupo, hindi nila kailanman ipagpapalit ang kanilang karapatan sa lupa sa kakarampot na benepisyo.

Noong Agosto 27, naglunsad ng silent protest ang grupo kasabay ng dayalogo sa Sangguniang Barangay ng Langkaan 1 hinggil sa pananatili ng TFU sa kanilang komunidad.

Panawagan ng KASAMA-LR ang agarang pagpapalayas sa TF Ugnay at sa 2nd CMO Battalion sa kanilang komunidad. Nananawagan din sila ng suporta sa publiko upang wakasan ang militarisasyon sa kanilang lugar.

“Ang tunay na laban ay hindi tungkol sa napkin, kundi sa karapatan sa lupa at hustisya para sa mga magsasaka, Ang gusto namin ay lupa, hindi limos.” pahayag ng grupo

Source link