3 sundalo napatay, isa pa nasugatan sa ambus ng BHB sa Albay

Tatlong sundalo ang napatay at isa pa ang nasugatan sa pananambang na ginawa ng BHB sa Barangay Palapas, Ligao City noong Huwebes, Agosto 21, bandang alas-6:00 ng umaga. Ang mga sundalo ay kabilang sa 16-kataong iskwad ng Charlie Company, 49th IB, na magtatangka sanang kubkubin ang isang yunit gerilya na nakahimpil hindi kalayuan sa pinangyarihan. Agad na-monitor ng lokal na kumand ng BHB ang kilos ng kaaway at mabilis itong nagpakat ng tim na nagsagawa ng ambus. Ligtas na nakaatras ang mga kasama mula sa pinaglabanan.

Ani Ka Florante Orobia, tagapagsalita ng Santos Binamera Command (BHB-Albay), ang naturang matagumpay na aksyon ay resulta ng pagiging alerto at kahandaan ng mga Pulang gerilya na aktibong magdepensa sa bira ng kaaway. Susi, aniya, rito ang mahusay na paniktik at ang malawak na suportang tinatamasa ng BHB mula sa masa.

“Ang kahandaan at kalistuhang ipinamalas ng yunit ay bunga ng panibagong mga pagsasanay at pag-aaral ng mga Pulang mandirigma para pangibabawan ang natukoy na mga kahinaan sa nakaraan,” dagdag ni Ka Florante. “Ipagpatuloy ninyo ang ganitong gawi at tiyak na marami pang tagumpay ang ating makakamit sa rebolusyonaryong pakikidigma,” ganyak niya sa mga gerilya.

Source link