Deportasyon ng mga Pilipinong imigrante sa US, kinundena

Sa isang online press conference na ginanap noong Agosto 17 ng Tanggol Migrante Movement (TMM), nagpahayag ng karanasan, saloobin at kalagayan ang mga Pilipinong imigrante na biktima ng deportasyon sa ilalim ng pasistang rehimeng Trump. Kabilang sa nagpahayag ang anak ni Flavia Cahoon na si Jane, at sina Zenar dela Cruz at Ligaya Jensen.

Kinundena ng TMM at Migrante USA ang walang batayang deportasyon ng mga Pilipinong imigrante sa US. Kinundena rin nila ang kawalang pakialam ng embahada at konsulado ng Pilipinas at ng mismong rehimeng US-Marcos sa sinasapit na paghihirap ng mga Pilipinong imigrante. Ang mga biktima ay ilang dekada nang naninirahan sa US at naging biktima ng marahas na anti-migranteng polisiya ng rehimeng Trump.

Ayon sa mga grupo, simula nang umupo sa pangalawang pagkakataon si Trump sa pwesto ay naging mas matindi at marahas ang pagtugis at pagdukot sa mga imigrante sa US. Noong Hunyo, tinaas ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) ang kota nito tungong 3,000 na pag-aresto kada araw. Tinaasan ang pondo ng ICE tungong $170 bilyon para maisagawa nito. Karamihan sa pasilidad na gamit ng ICE ay pag-aari ng mga negosyante at kumikita sa dami ng nakukulong sa kanilang pasilidad.

Naging target din ng ICE ang mga Pilipinong migrante. Noong mga nakaraang buwan, hindi bababa sa 100 Pilipinong manggagawa sa barko ang naging target ng US Customs and Border Protection at pinadeport batay sa gawa-gawang akusasyon na pagkakaroon ng bidyu ng pornograpiya ng mga bata. Ang mga Pilipinong migrante ay nagtatrabaho sa mga barkong Carnival Cruise, Carnival Mardi Gras at Carnival Vista.

Sa paglahad ng kwento at saloobin ng mga biktima ng deportasyon sa presscon, tampok ang kawalan ng pakialam at tulong ng embahada at konsulado ng Pilipinas sa kanilang sitwasyon habang nakapiit sila sa kulungan. Inilahad rin nila ang hirap ng buhay sa Pilipinas, ang kawalan ng serbisyong medikal at trabaho na may nakakabubuhay na sahod at hirap na mawalay sa pamilya nila na naiwan sa US.

Ayon sa mga biktima, malaking insulto ang pahayag ni Senen Mangalile, consul general sa New York, na ang pag-uwi sa Pilipinas para sa mga Pilipinong imigrante na hindi na kayang maayos ang kanilang istatus sa US ay “kasing simple lamang” ng pagbili ng tiket at pagsakay sa eroplano. Anila, hindi ito makatotohan at nagpapakitang ng kawalan ng pakialam sa kanilang dinaranas.

Si Cahoon, 64-anyos at naninirahan sa US mula pa 1992, ay nakatakdang ikulong ng ICE noong Agosto 5 pagkatapos ng kanyang pagdinig ngunit nagdesisyon siyang mag “self-deport.” Ayon sa kanyang anak na si Jane, may pagtingin ang kanyang ina na hindi niya kakayanin ang sitwasyon sa loob ng pasilidad ng ICE laluna’t may sakit siya at naranasan na niya ang hirap dahil dati na rin siyang nakulong.

Si dela Cruz ay dineport mula sa US noong Mayo 19 pagkalipas ng tatlong taon na pagkakakulong sa pasilidad ng ICE. Sinabihan siya ng embahada ng Pilipinas na tutulungan siya ng DSWD pag-uwi sa Pilipinas, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring dumarating na tulong.

“Sa pag uwi ko, ang tumulong sa akin ay ang Migrante International. Pero hindi dapat ipagpalit ang suporta ng mga organisasyon sa dapat na reponsibilidad at tungkulin ng gubyerno ng Pilpinas sa kanyang mamamayan,” paliwanag ni Zenar.

“Nagsasalita ako hindi lang para ilahad ang aking kwento, kundi para manawagan ng aksyon hindi lang para sa akin, kundi para sa lahat. Grabe ang sakripisyo ng mga OFW pero katahimikan lamang ang kanilang napapala sa panahon na nangangailangan sila ng tulong. Karapat dapat kaming umuwi sa bansa na totoong may malasakit sa amin,” dagdag ni Zenar.

Nakauwi sa Pilipinas si Jensen noong Hulyo 31 matapos makulong ng mahigit anim na taon sa iba’t ibang pasilidad ng ICE. Nilahad niya ang kanyang karanasan sa mga pasilidad, tulad ng kapabayaan sa kalusugan ng mga preso, hindi makataong pagtrato, pagpapakain na parang pagkain ng aso at mga pag-aabuso. Sapilitan din silang pinapailalim sa ‘strip search’ tuwing tatanggap sila ng bisita.

Maliban sa kanila, pinadeport na rin si Ester Soliman, isang ina mula sa Lancaster, Philadephia noong Agosto 15. Bago nito, dinakip siya ng mga ahente ng ICE noong Agosto 4 habang nasa kanyang ‘routine check-in’. Nalaman na lamang niya at ng kanyang pamilya na idedeport na siya nang nasa John F. Kennedy Aiport na siya sa New York.

Patuloy ring ang panawagan ng TMM para sa pagpapalaya kila Kuya G, Kuya Darren, Tito Ernie, Tita Rebecca, at Kuya Sonny at sa iba pang mga Pilipinong imigranteng nakakulong sa Arizona, Georgia, Indiana, Kentucky at Washington.

Panawagan din ng TMM ang suporta ng gubyerno para sa mga napauwing mga Pilipinong imigrante tulad ng suportang medikal at pangkabuhayan.

Source link