Agusan 6, nananatiling matatag sa harap ng walang puknat na panggigipit ng militar

Dumaan ang pangalawang buwan ng pagkakapiit ng Agusan 6 noong Agosto 13 sa gitna ng tuluy-tuloy na panggigipit sa kanila ng militar. Noong Agosto 11, isa sa kanila, si Grace “Nik-nik” Man-aning, ay kinuha sa Agusan del Sur Jail at inilipat sa kostudiya ng militar nang walang abiso sa kanyang mga abugado at kamag-anak.

Ayon sa mga saksi, umiiyak at kita ang pagkabalisa ni Man-aning nang pwersahan siyang kinuha ng mga sundalo mula sa 60th IB. Sinasabing utos ng korte ang paglilipat sa kanya, dahil isa diumano siyang “high value target” at sa gayon ay hindi sapat ang seguridad sa kulungan para sa kanya. Ayon sa Free Agusan 6 Network, ang maniobra na ito ay para takutin siya at pwersahing “sumuko” tulad ng ginawa sa dati niyang mga kasamang sina Sinag Lugsi at Daryl Man-inday.

Ayon sa grupo, ang pagpapailalim kay Man-aning sa kostudiya ng militar ay lubhang nakapag-aalala sa kalagayan ng kanyang kaligtasan at karapatan, at labag sa due process.

Sa gitna ng panggigipit ng NTF-Elcac at militar, nananatiling matatag ng Agusan 6 sa loob ng kulungan. Hindi sila nakikipagtulungan sa militar, hindi sila sumusuko, at sa halip ay aktibo pang nakikilahok sa mga aktibidad ng kapwa nilang nasa piitan, ulat ng kanilang mga tagasuporta sa Free Agusan 6 Network. “Ang kanilang paninindigan ay patunay ng tapang at lehitimong adhikain upang ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka at sibilyan,” anito.

Nananawagan ang grupo sa publiko at internasyunal na komunidad na palawakin ang suporta at igiit ang agaran at walang kundisyong pagpapalaya sa Agusan 6 at lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa.

Binubuo ang Agusan 6 nina Charisse “Chaba” Bañez, Arjie Dadizon, Ronnie Igloria, Larry Montero, Man-aning at Louvaine Erika “Beng” Espina. Bumibyahe sila noong Hunyo 13 mula sa bayan ng Monkayo sa Davao De Oro nang harangin ang kanilang sasakyan sa isang tsekpoynt at arestuhin.

Noong Agosto 6, ibinasura ng isang korte sa Bukidnon ang kasong tangkang pagpatay at pagpatay laban kina Bañez at Dadizon, kaugnay sa isang gawa-gawang engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at Armed Forces of the Philippines noong 2022.

Source link