2 magsasaka sa Ilocos Norte, dinakip ng 77th IB

Kinundena ng Kaammoyo ti Kappia (KTK) at Ilocos Human Rights Alliance (IHRA) ang pagdakip ng mga sundalo ng 77th IB sa dalawang magsasaka sa Sityo Salicsic, Barangay Dampig, Pagudpud, Ilocos Norte noong Agosto 11 ng gabi. Ayon sa ulat ng Isnag Yapayao Balangon Tribal Council sa KTK at IHRA, dinakip ng mga tauhang nakasibilyan at elemento ng 77th IB sina Belmar Garvida at Ferdinand Bangngad (Willy).

Ayon sa mga grupo, walang ipinakitang mandamyento de aresto ang mga sundalo sa ginawang pagdakip at tumangging magpakilala sa tribu sa lugar. Ilang oras makalipas, ibinalik ng mga sundalo sa komunidad si Garvida at naiwan sa kustodiya ng militar si Bangngad.

Bago pa ang pagdakip, ipinailalim na sa matinding interogasyon sina Garvida at Bangngad ng mga sundalo. “Nariyan ang posibilidad na sila ay sumailalim na sa physical at psychological torture,” pahayag ng IHRA.

Ang komunidad na kinabibilangan ng mga biktima ay matagal nang kumahaharap sa banta ng proyektong Cabacanan Dam, isang nakasisirang dam na mahigpit na tinutulan ng mga tribu. Malaon na ring dumaranas ng pagmamanman, panghaharas at intimidasyon ang mga biktima at ang tribu dahil sa kanilang paninindigan.

Malaki ang pangamba ng mamamayang Isnag-Yapayao sa perwisyong idudulot ng Cabacanan Small Reservoir Irrigation Project (CSRIP) sa kabundukan ng Barangay Saguigui, Pagudpud. Itatayo ang proyekto sa kanilang lupang ninuno na saklaw ng “disputed area” sa pagitan ng tribung Isnag-Yapayao ng Barangay Dampig at Caunayan at ng mga nagpapanggap na katutubo ng barangay Saguigui.

Bahagi ng ₱837-milyong proyektong CSRIP ang Cabacanan dam, 95.10 metro ang taas mula pundasyon at 248 metro ang lapad ng base, na mag-iimbak ng 2.87 milyong metro kubiko ng tubig. Ayon sa mga katutubo, kung magpapakawala ang dam ng tubig sa spillway na may sukat 9.88 metro kwadrado o kasinglawak ng four-lane na kalsada, babahain at posibleng buburahin nito ang mga barangay sa ibaba ng itatayong dam. Malapit din ito sa Bangui at Vigan-Aggao fault line na bumabaybay sa Pagudpud kung kaya’t bulnerable ito sa lindol.

Noong nakaraang taon, nagpahayag na ng matinding pagtutol ang Isnag Yapayao Balangon Tribal Council Inc (IYBTC) at Isnag Yapayao Ugayam Tribal Council (IYUTC) mula sa Barangay Dampig at Caunayan sa naturang proyekto.

Sa harap ng patuloy na panggigipit ng mga pwersa ng estado, panawagan ng IHRA at KTK na kaagad ilitaw si Bangngad at igalang ang kanyang mga karapatan. Iginiit rin nila ang pagpapangot sa mga sangkot na pulis at militar sa pagdakip.

“Bilang mga mananampalataya, tinatawag tayong kumilos sa panahong niyuyurakan ang hustisya at humihiyaw ang mga inaapi. Nananawagan kami sa lahat ng kapwa taong-simbahan—mga pastor, pari, lider layko, mga konggregasyon at iba pang institusyon sa pananampalatay—na matapang na magsalita, mahigpit na manalangin, at manindigan kasama ang mga inuusig,” pahayag ni Fr. Randy Manicap, tagapagsalita ng KTK.

Source link