Tinawag na katawa-tawa ng grupong Agham, organisasyon ng mga syentista at nagsusulong ng syensya at teknolohiya, si Ramon Ang, may-ari ng San Miguel Corporation (SMC) nang mag-alok siya ng “libreng tulong” sa gubyerno para resolbahin ang problema sa baha.
Nauna rito, tinuligsa rin ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang pahayag ni Ang.
“Bilang namumuno sa SMC, ang mga proyekto niyang imprastraktura ang dahilan ng pamalagiang pagbaha sa Kamaynilaan,” paliwanag ng Agham at Pamalakaya.
Ang New Manila International Airport ng SMC ay una nang pinuna ng mga eksperto mula sa Department of Science and Technology at iba pang institusyon dahil sa idudulot nitong mas malalang pagbaha sa kalapit na mga komunidad. Kabilang dito ang ilang bahagi ng Metro Manila tulad Navotas. Mahigit 700 pamilya ang pinalayas at mahigit 600 na bakawan ang sinira dahil sa proyekto.
Mismong ang Department of Transportaion ang pumuna sa Metro Manila Skyway at MRT-7, parehong proyekto ng SMC, sa ambag nito sa pagbaha dahil binara ng mga ito ang dating mga daluyan ng tubig.
Ayon sa Agham, ang solusyon ni Ang na “linisin ang mga bara sa mga agusan at kanal” ay isang bahagi lamang ng problema. Hanggat walang pakundangan ang mga proyektong imprastruktura, sinisira ng mga operasyong kwari at minahan ang mga palatubigan (watershed), at hanggat napipilitan ang mga mamamayan ng Metro Manila na tumira sa mga likas na bahaing lugar, tiyak na magpapatuloy lamang ang problema.











