Kasong pagpatay at tangkang pagpatay laban sa 2 sa Agusan 6, ibinasura

Naglabas ng desisyon noong Agosto 6 ang 5th Municipal Circuit Trial Court sa Don Carlos, Bukidnon para sa “provisional dismissal” ng kasong tangkang pagpatay at pagpatay laban kay Charisse “Chaba” Bañez at Arjie Dadizon, dalawa sa Agusan 6. Kaugnay ang kaso sa isang gawa-gawang engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at Armed Forces of the Philippines noong 2022.

“Pinatatampok ng desisyong ito na walang basehan ang kaso, dahil sa hindi na naman pagsipot ng complainant sa korte,” ayon sa Free Agusan 6 Network. Ayon sa husgado na naglabas ng desisyon, malinaw na isinampa ang kaso hindi para makamit ang hustisya, kundi para pahirapan, gipitin at takutin sina Bañez at Dadizon.

Ikinalugod ng mga abugado, pamilya at tagasuporta ng Agusan 6 ang desisyon. Gayunpaman, batid nilang mahaba pa ang laban dahil nahaharap sa iba pang kaso ang dalawa, kabilang ang kaso ng illegal possession of firearms and explosives in Trento, Agusan del Sur. May nakasampa ring iba pang mga kaso ng pagpatay, tangkang pagpatay at illegal possession of firearms and explosives sa Bukidnon.

Liban kina Bañez at Dadizon, binubuo ang Agusan 6 nina Ronnie Igloria, Larry Montero, Grace “Nik-nik” Man-aning at Louvaine Erika “Beng” Espina. Bumibyahe sila noong Hunyo 13 mula sa bayan ng Monkayo sa Davao De Oro nang harangin ang kanilang sasakyan sa isang tsekpoynt. Sa impormasyon ng grupo, sapilitan silang pinababa at pinadapa.

Hinalughog ng militar at pulis ang sasakyan nang walang ipinakikitang search warrant at kinumpiska ang kanilang mga gamit. Pinatayo lamang sila matapos ang dalawang oras at pinalabas na nakuha sa kanilang gamit ang mga armas at pambasabog. Dinala sila sa istasyon ng pulis sa Bunawan.

Mula sa mga pamilyang magsasaka sina Dadizon, Igloria at Montero habang isang lider ng kabataang Lumad sa Talaingod si Man-aning. Si Dadizon ay tubong North Cotabato, habang sina si Igloria at Montero ay mula Compostela, Davao de Oro. Kasalukuyan silang nakakulong sa Agusan del Sur Provincial Jail sa Patin-ay, Prosperidad, Agusan del Sur.

Samantala, parehong dating kabataang aktibista sina Bañez at Espina. Gradweyt ng BA Communication Arts sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) si Bañez. Naging upisyal siya ng konseho ng mag-aaral sa unibersidad at kalaunan ay nahalal bilang Student Regent sa buong UP.

Sa kabilang banda, nag-aral si Espina sa Polytechnic University of the Philippines kung saan naging aktibong myembro siya ng League of Filipino Students.

Source link