Ibayong pagsuko sa kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas

Ilang araw bago ang ika-apat na State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr, ipinatawag siya ni Donald Trump, presidente ng US, para sa “negosasyon” noong Hulyo 20-22 hinggil sa laki ng taripa sa mga produkto mula sa Pilipinas at iba pang konsesyon sa ekonomya at militar. Tulad ng tapat na tagasunod, inalay ni Marcos sa kanyang imperyalistang amo ang kalayaan at kasarinlan ng bansa.

Pumayag si Marcos na ganap na alisin ang mga taripa sa mga produktong Amerikano. Pinalalabas ni Marcos na ang pakanang “zero tariffs” ay “konsesyon” na nakamit matapos “ibaba” ni Trump ang ipapataw nitong taripa sa mga eksport ng Pilipinas nang 1%, mula 20% tungong 19%. Pilit ding pinaliliit ng rehimen ang epekto ng “zero tariffs” sa mga produktong pang-eksport ng Pilipinas at sinabing nasa $3-$6 bilyon lamang ang mawawalang kita ng Pilipinas mula rito.

Ang totoo, walang nakamit si Marcos sa pagpapababa ng taripa. Bago nahalal si Trump sa kanyang pangalawang termino ay nasa 2%-3.6% lamang ito. Itinaas ni Trump ang taripa sa lahat ng mga inieksport ng US tungong 10% pag-upo niya sa pwesto. Noong Abril, itinakda niya sa 20% ang “tumbasang taripa” sa mga mayor na produkto sa agrikultura na iniluluwas ng Pilipinas sa US tulad ng niyog, mga prutas at asukal. Tulad sa nakaraan, hindi papatawan ng tinaas na taripa ang mga produktong tulad ng semikonduktor, na minamanupaktura para sa mga kumpanyang Amerikano sa Pilipinas.

Sa kabilang banda, lalong ibinukas ni Marcos ang lokal na ekonomya sa pagtatambak ng sobrang produkto mula sa US tulad ng mga kotse, soy, trigo at parmasyutikal. Sa mga produktong ito pa lamang, tinatayang mawawalan na ng hanggang ₱3.9 bilyong kita ang estado. Sa taya ng Ibon Foundation, maaaring umabot sa ₱31-₱35 bilyon taun-taon ang mawawalang kita ng Pilipinas kung sasaklawin ang iba pang mga eksport ng US sa bansa.

Ang Pilipinas ang pinakamalaking tambakan ng US ng mga produkto sa agrikultura nito sa Southeast Asia at ika-8 sa buong mundo. Kabilang sa mga inieksport nito sa Pilipinas ay karne at pinrusesong gulay, na tiyak na hihila pababa sa produksyon at halaga ng lokal na produksyon. Samantala, ang pagbaha ng mga yaring produkto ay lalong babansot sa kapasidad ng bansa na magmanupaktura at magprodyus para sa sariling pangangailangan.

Konsesyong militar

Dagdag ding isinuko ni Marcos kay Trump ang kalayaan ng Pilipinas nang bigyan niya ng higit pang mga insentiba at konsesyon ang mga kumpanyang Amerikano para magtayo ng mga pabrika at operasyon sa bansa. Ilan sa mga ito ang Cerberus, I Square Capital, KKR & Co at Global Infrastructure Partners, mga kumpanyang nakatakdang mamuhunan sa paggawa ng barko, lohistika at enerhiya para suhayan ang pagpapalawak ng pamilihan at presensyang militar ng US sa Pilipinas at sa Asia. Nangako ang US na magbubuhos ng hanggang $3 bilyong pondo sa Pilipinas, pero para ito sa kumpanyang Amerikano na mamumuhunan sa tinaguriang Luzon Economic Corridor.

Kahit bago pa ang bisita noong Hulyo, abala na si Marcos sa pagbibigay ng dagdag na mga lokasyon para maging base militar ng US. Pinakahuli dito ang pagbubukas niya sa kanlurang bahagi ng baybayin ng Davao Gulf (saklaw ang Davao City, Davao del Sur at Malalag Bay) para itayo ang “fuel depot” na iimbakan ng 159 milyong litrong disel taun-taon para sa malalaking barkong pandigma ng US. Dito kukuha ng panggatong kapwa ang mga barko at eroplanong pandigma na nakapondo sa mga karagatan ng Sulu at Celebes. Ang fuel depot na ito ay panghalili sa mayor na depot ng militar ng US sa Hawaii, na permanenteng isinara noong 2022 dahil sa tagas nito na nagkontamina sa maiinom na tubig ng kalapit na mga komunidad.

Bago nito, ibinukas na ni Marcos ang Subic para sa pagawaan ng bala, bomba at iba pang amunisyon; ang mga isla ng Grande at Chiquita na malapit sa baybay ng Subic para sa dagdag na baseng pangsarbeylans ng mga pwersang Amerikano; at ang kalakhan ng baybayin at karagatan ng hilagang bahagi ng Palawan, kasama ang Oyster Bay, bilang base at kumpunihan ng mga barkong pandigma ng US.

Source link