Kabilang sa mga ipinagyabang ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang SONA ang deklarasyon na “wala nang grupong gerilya sa bansa.” Isa itong kasinungalingan at purong panloloko laluna at nakapagpupunyagi at nakatatamasa ng malalim at malawak na suporta ng mamamayan sa kanayunan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at rebolusyonaryong kilusan.
Ayon sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), simula noong 2017 kasabay ng pagpapatupad ng pinabagsik at brutal na kampanyang paglipol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay muli nang isinaayos at ipinakat ang mga yunit gerilya ng BHB upang lalo pang palalimin at palawakin ang pag-ugat nito sa mamamayan. Patuloy ngayong lumilitaw ang isang bagong henerasyon ng mga batang Pulang mandirigma mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, at intelektwal na petiburges, ayon sa Partido.
Isinusulong ng mga Pulang mandirigma ng BHB ang armadong rebolusyon nang may higit na matibay na determinasyon na tupdin ang kilusang pagwawasto na pinanawagan ng Partido para sa muling pagpapalakas sa armadong pakikibaka sa kanayunan.
Liban dito, tuwirang sinasalungat ng sariling mga hakbang ni Marcos ang kanyang mga pahayag na wala nang grupong gerilya sa bansa. Sa harap ng paulit-ulit na pag-aanunsyo ng AFP na tututok na ito sa “eksternal na depensa,” mayorya pa rin sa mga batalyong pangkombat nito ang nakapakat laban sa mga larangang gerilya ng BHB sa buong bansa. Sa katunayan, kabi-kabila pa rin ang iniuulat kahit ng AFP na mga engkwentro sa mga yunit ng BHB sa mga prubinsya sa nagdaang mga buwan.
Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, ang engrandeng deklarasyon na ito ni Marcos ay sasabog sa kanyang mukha. Sa kabila ng lahat ng makapangyarihang armas na ibinibigay ng US sa rehimeng Marcos ay bigo at mabibigo itong pigilan ang patuloy na muling paglago at paglawak ng BHB, na nananatiling malalim na nakaugat sa mamamayan.
“Dahil sa papet, pasista at korap na rehimen ni Marcos, patuloy na tumataba ang lupa para sa armadong pakikibaka,” ani Valbuena.
Liban dito, sinabi ng PKP na ang deklarasyon ni Marcos ay katumbas ng deklarasyon ng pagpatay sa posibilidad ng pakikipag-usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
“Nagmamatigas siya at ang mga upisyal ng National Task Force (NTF)-Elcac na tumangging kilalanin at tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian,” ayon kay Valbuena.











