Mariing kinukundena ng NDFP-ST ang pang-iistraping, panganganyon at pambobomba ng berdugong pwersa ng 16th IB sa ilalim ng 201st Brigade at 2nd Infantry Division sa Barangay Maguibuay, Tagkawayan, Quezon noong Agosto 2 sa pagitan ng alas-5 ng hapon hanggang ala-6:30 ng hapon. Dalawang heligunship ang ginamit ng pasistang tropa bilang desperadong hakbang na tugisin ang nakaengkwentrong yunit ng Apolonio Mendoza Command-NPA Quezon bandang alas-10 ng umaga ng parehong araw kung saan nagbuwis ng buhay ang isang Pulang mandirigma. Malinaw na paglabag ito sa internasyunal na makataong batas.
Takot, trauma at pangamba ang hatid ng pambobomba ng 201st Brigade at 2nd ID sa mga residente ng Barangay Maguibuay at mga karatig na baryo. Dinig mismo ng mga residente ang malalakas na pagsabog. Mistulang lindol naman ang dinanas ng mga magbabangka na nahagip ng shockwave ng sumabog na bomba. Halang ang kaluluwa ng AFP-PNP sa pandadamay ng mga sibilyan makamit lamang ang hibang nitong layunin na pulbusin ang rebolusyonaryong kilusan sa probinsya. Tiyak na magtatala na naman ng mga kaso ng paglabag sa karapatang tao ang ireresulta ng mararahas na focused and sustained military operations ng 16th IB, 201st Brigade at 2nd ID sa lugar.
Pinatutunayan ng rehimeng US-Marcos II na wala itong pinag-iba sa nagdaang rehimeng US-Duterte sa paghahasik ng teror at lansakang paglabag sa mga karapatang tao. Noong Pebrero 2021, sa ilalim ni Duterte, binomba at inistraping din ng 201st brigade at 2nd ID ang mga komunidad sa hangganan ng Buenavista, Mulanay, Catanauan at San Narciso matapos ang engkwentro sa isang yunit ng AMC.
Samantala, ang naganap na sagupaan sa pagitan ng mga pwersa ng 201st Brigade at 2nd ID sa yunit ng AMC ay nagpapasubali sa ipinagyayabang ni Marcos na “wala nang mga grupong gerilya sa bansa” sa kanyang nagdaang State of the Nation Address. Pinasusubalian din nito ang deklarasyong Stable Internal Peace and Security Status ng probinsya dahil “nalinis” na nito ang Quezon sa mga pwersang gerilya. Pahiyang-pahiya ang mga yunit ng AFP sa Quezon kaya naman walang pakundangan silang naghahasik ng teror sa mga komunidad ng magsasaka sa nasabing lugar. Nagkukumahog si Marcos na palabasing “nagupo na” ang rebolusyonaryong kilusan at maipihit ang AFP-PNP tungo sa “eksternal na depensa” sa ilalim ng bagong kontra-rebolusyonaryong kampanyang National Action Plan for Unity, Peace and Development.
Marapat lamang na singilin at papanagutin ang 201st Brigade at 2nd ID sa malawakang pambobomba at pang-iistraping sa Tagkawayan. Ipanawagan na itigil ang militarisasyon sa kanayunan. Dapat ding ibasura ang NTF-Elcac at ang NAP-UPD.
Nananawagan kami sa mga makabayang abogado, manggagawang pangkalusugan, mapagmahal sa kapayapaan at mga kritiko ng estado na tulugan ang mamamayan ng Quezon sa gitna ng karahasan ng estado laban sa kanila. Isagawa ang mga fact-finding mission upang mag-imbestiga sa mga paglabag sa karapatang tao. Dapat ding magbigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga biktima. Sampahan ang mga berdugong militar ng karampatang kaso sa mga ginagawa nitong paglabag sa karapatang tao at internasyunal na makataong batasa.











