Pagkamit ng hustisya para sa dating boluntir ng Cordillera Human Right Alliance, muling pinanawagan

Noong Hulyo 28, magsusumite sana ng sulat si Brandon Lee sa konsulado ng Pilipinas sa San Francisco para igiit na muling buksan ang imbestigasyon sa kanyang kaso ngunit hindi siya pinahintulutang pumasok at hindi rin tinanggap ang kanyang sulat. Bago nito, nagbigay siya ng pahayag sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights hinggil sa Red-tagging, humihingi ng pananagutan at naglantad ng lantarang pagbalewala at kawalan ng interes ng gubyerno ng Pilipinas at ng US para kamtin ang hustisya para sa mga biktima ng karahasan ng estado.

Si Lee ay dating boluntir ng Ifugao Peasant Movement at paralegal ng Cordillera Human Right Alliance. Bagamat isa siyang Chinese-American, tinanggap siya ng komunidad ng Tuwali ng Ifugao bilang isa sa kanila. Noong Agosto 6, 2019, binaril siya ng militar sa harap ng kanyang bahay sa Ifugao na nagresulta sa kanyang pagkaparalisa. Bago ang insidente, ilang beses siyang nakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay at inaakusahang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan.

Anim na taon na ang lumipas ngunit wala pa ring napapanagot. Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang laban niya para sa hustisya.

“Nananawagan kami para sa hustisya at pananagutan. Nananawagan kami para muling imbestigahan ang kaso ni Brandon Lee!” pahayag ng Cordillera Human Rights Alliance.

Source link