Ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang marubdob na pakikiramay at pakikiisa sa milyun-milyong Pilipinong nagdusa sa matinding pinsala dahil sa malalawak na pagbaha at pagguho ng lupa sa nagdaaang linggo. Kasunod ito ng matitinding ulan na dala ng sunud-sunod na bagyong Crising, Dante at Emong, at dala ng hanging habagat, na humambalos sa buong Luzon at mga bahagi ng Visayas at Mindanao.
Ilampung libong pamilya ang nawalan ng tahanan, ari-arian at kabuhayan. Marami ang nasawi. Naganap ang malawakang pagkasira sa panahong hindi pa nakababangon ang masa sa mga pinsalang dala ng katulad na mga pagbaha noong nakaraang taon. Libu-libong pamilya ang kasalukuyang nasa mga evacuation center sa halos lahat ng lalawigan, kung saan tambad ang mga bata sa sakit at karamdaman.
Sa mga lungsod, pinakamalubha ang dinanas ng masang manggagawa at mala-proletaryo dahil nalubog sa baha ang buo-buong komunidad, lalo na ang malalapit sa mga sapa at ilog. Sa maraming lugar na binaha, hindi madaanan ang mga kalsada at hindi magamit ang pampublikong transportasyon, dahilan na ipinahinto ang mga ekonomikong aktibidad, kaya maraming arawang sumasahod ang walang kita para tustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Dahil sa pagbabaha, nataboy ang mga tao sa kanayunan mula sa kanilang mga tahanan at komunidad. Nalubog ang malalawak na palayan at lupang agrikultura, na sumira sa mga pananim at pumatay sa mga alagang hayop, nagresulta sa malubhang pagkalugi sa daan-daang libong magsasaka, na pasan ngayon ang patung-patong na utang. Kumahaharap ngayon sa banta ng mas malala pang gutom at kahirapan sa mga darating na buwan ang milyun-milyon sa kanayunan.
Sa gitna ng pagkawasak at ng walang saysay na pagtugon ng gubyerno, pinakilos ng mga rebolusyonaryong pwersa, lalo na sa mga nalubog na komunidad ng mga manggagawa at komunidad sa kanayunan, ang kanilang hanay upang magbigay ng pagkain, tubig, damit, at iba pang pangangailan ng milyun-milyong nagdurusa. Ikinoordina nila ang kanilang kolektibong mga pagsisikap sa iba’t ibang ahensya upang maghatid ng tulong sa mga pamilyang nangangailangan ng agarang ayuda.
Kasuklam-suklam at kahiya-hiya ang pagtugon ng gubyerno ni Marcos sa sakuna. Ipinagmamalaki nito ang pamamahagi ng iilang “food pack,” ipinagyayabang ang “relief efforts” at “declogging operations” para lamang pagtakpan ang direktang responsibilidad nito sa mga pagbaha at pagkawasak.
Sa walang habas na paghahabol ni Marcos sa mga proyektong pang-imprastruktura na may pondong-dayuhan at mga dayuhang pamumuhunan, tinalikdan ni Marcos ang mga regulasyong pangkalikasan sa ilalim ng tinatawag na “green lane.” Lalong naging walang kontrol ang pagkwari sa mga ilog at mga operasyon sa pagmimina, na sumira sa kapaligiran at likas na hugis ng kalupaan. Ang mga di pinag-isipang mga proyektong pang-imprastruktura, kabilang ang real estate at reklamasyon ng lupa, mga mall, tulay, at mga expressway ay sumisira sa mga mahalagang daluyan ng tubig at bumabawas sa kapasidad ng lupa na sumipsip ng tubig, na nagpalala sa pagbaha.
Ang malawakang pagbaha sa buong bansa ay direktang resulta ng pagkagumon sa tubo ng malalaking negosyo at mga kasosyong dayuhang kapitalista at bangko, at ng mga kikbak ng mga korap na burukrata-kapitalista sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Marcos, pati na rin sa mga nakaraang rehimen. Matingkad nitong inilalarawan ang kalagayan ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas, na nagsisilbi sa interes ng mga imperyalista at ng mga lokal na naghaharing uri, sa kapinsalaan ng mga karapatan at kapakanan ng bayan, at ng kapaligiran.
Nananawagan ang Partido sa taumbayan, laluna sa mga biktima ng mga nagdaang sakuna, na mag-organisa at ipagalaban ang kumpensasyon para sa pinsalang dulot ng mga patakaran ng rehimeng Marcos. Dapat makipagtulungan sila sa mga progresibong siyentipiko, mananaliksik, at mga environmentalist upang ilantad at kundenahin ang pagkawasak na dulot ng mga patakaran at prayoridad ng rehimeng Marcos, at igiit ang pagpapatigil sa mga proyektong nagdudulot ng sakuna.
Mas mahalaga, dapat ibayong isulong ng sambayanang Pilipino ng pambansa-demokratikong rebolusyon upang wakasan ang dominasyon ng mga imperyalista at ang paghahari ng lokal na mga uring mapagsamantala. Idinidiin ng pagbabago sa klima ang mahigpit na pangangailangang isulong ang rebolusyong ito. Dapat wakasan na ang walang habas na pagsasamantala at walang kabubusugang pagkakamal ng yaman at kapital.










