Pinakamataas na pagsaludo at pagpugay kay Kasamang Lyn at Boboy

Kilala sa pagiging palabiro at matapang na kasama si Raymond Dosdos, 36, may asawa at mga anak na mas kilala sa mga kasama at masa sa pangalan na Ka RM at Ka Lyn. Ipinanganak siya sa barangay Cabangcalan, Placer noong Mayo 27, 1989. Sa murang edad, naging katuwang na siya ng kanyang mga magulang sa pagsasaka habang nag-aaral ng elementarya. Bunsod ng kahirapan sa buhay, nagpasya siyang makipagsapalaran sa Maynila bilang house boy. Dito niya rin nakatagpo ang kaniyang naging kabiyak sa buhay at magkasamang umuwi sa kanila sa barangay Miabas, Palanas, Masbate taong 2009.

Matapos mamulat sa rebolusyonaryong kilusan, taong 2012, nagpasya siyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at naging ganap na kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 2013.

Dahil sa pagiging masigasig sa gawain sa hukbo, mula sa pagiging mandirigma ay naging tim lider at tumayong instruktor sa pulitika ng platun. Sa kabila ng pagiging mahilig sa gawaing militar, nagsikap siyang mapahusay ang paggampan sa gawaing masa.

Bunsod na rin ng kahusayan niya sa gawaing militar, itinalaga si Ka Lyn bilang Platun Lider (PL) ng SDG ng larangan taong 2018 at naitalagang intel officer ng POC taong 2021 at Pangalawang Platun Lider (PPL) ng buong prubinsya taong 2023. Na nakapag-ambag ng mga tagumpay laban sa mga pwersa ng reaskyunaryong estado.

Samantalang si Luzvimindo “Boboy” Nogas, 58, may asawa, ay aktibong kasapi ng organisasyon ng mga magsasaka sa barangay San Jose, Uson. Bunsod ng walang tigil na panggigipit at sapilitang pagpapasuko ng militar, nagpasya siyang magpakanlong sa yunit ng pulang Hukbo para sa kaniyang kaligtasan.

Habang nasa pagtutupad sa gawaing masa ang yunit nila Ka Lyn kasama si Boboy, kinubkob ng pwersa ng estado ang kanilang pansamantalang pinagpahingahan sa barangay Candelaria, Uson noong lang Hulyo 19, alas-5:40 ng umaga. Tumagal ng 15 minuto ang palitan ng putok kung saan matapang na lumaban ang yunit ni Ka Lyn. Ngunit hindi nakaligtas si Boboy matapos itong mapahiwalay sa grupo at mapunta sa blocking force ng kaaway.

Tiyak na tinortyor muna si Boboy ng mga berdugong militar dahil sa mga naiwang mga sugat sa katawan niya mula sa matalim na bagay, bali na mga paa at maraming tama ng bala. Malinaw itong pagpapakita ng paglabag sa makataong batas sa digma sa mga wala ng kapasidad lumaban.

Kinahapunan, bandang alas-4 ng hapon, sa pangunguna ni Kasamang Lyn, nagsikap itong mailabas sa kordon ng kaaway at maitawid ang kanilang yunit sa ilog sa Sityo Tisa, barangay Matagbac, Milagros. Subalit, matapos makatawid ang mga kasama ay agad nitong nakasagupa ang tropa ng militar na nakaabang sa kabilang panig ng ilog. Sa muli, matapang nilang nilabanan ang mga berdugong militar. Sa pagsisikap na ligtas na mapaatras ang mga kasamahan, natamaan si Ka Lyn sa kanyang hita at dibdib na kanyang ikinasawi.

Walang pag-aalinlangan niyang ibinuhis ang kanyang buhay para mailagtas ang kanyang mga kasamahan, higit sa lahat, ang kanyang walang pag-iimbot na pagsisilbi sa bayan. Patunay rito ang ngiti sa labi na makikita sa kanyang bangkay.

Pangako naman ng kanyang mga kasamahan sa yunit at lahat ng kasama sa prubinsya ng Masbate, na hindi mawawalan ng saysay ang buhay ni Ka Lyn at ni Boboy. Tinitiyak nito na mabibigyang-hustisya ang kanilang pagkasawi. Ang kanilang ala-ala ay mananatili habampanahon sa mga puso ng mga kasama at masang Masbatenyo.

Source link