Nananawagan ang grupong Amihan National Federation of Peasan Women ng agarang kumpensasyon at sapat na ayuda para sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Bagyon Crising at habagat. Giit din ng grupo ang pangangailangn para sa mas komprehensibo at epektibong programang tutugon sa kalamidad.
Ayon sa ulat ng NDRRMC, pinakamalaki ang epekto ng bagyo sa Central Luzon. Halos 40,033 pamilya o 137,055 na indibidwal ang naapektuhan. Nasa 150 erya sa 12 rehiyon (Rehiyon 1,2,3, CALABARZON, MIMAROPA, Rehiyon 5, 6, 7, 9. 12, CARAGA, NCR at isla ng Negros) ang apektado ng pagbaha.
Binabantayan ng Department of Agriculture ang nasa 742,000 hektarya ng palay at mais sa mga apektadong prubinsya. Sa Negros Occidental, naiulat na ang inisyal na pagkalugi na nagkakahalaga ng ₱30,000 mula sa 20 ektaryang palayan.
Ayon kay Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas, sa karanasan ng mga magsasaka sa nagdaang mga kalamidad, hindi sasapat ang ipinamamahagi ng DA na farm inputs at crop insurance. “Sa taas ng gastos sa pagsasaka at bagsak na presyo ng palay at iba pang produktong agrikultural, kailangan talaga may cash assistance at kompensasyon sa mga nasirang pananim at kagamitan sa pangisdaan.”
Muling nanawagan ang Amihan ng ₱25,000 kompensasyon para tulungang makabangon ang sektor ng agrikultura na naapektuhan ng kalamidad. Dagdag rito ang matagal nang panawagan na ₱25,000 para sa production subsidy ng mga magsasaka, ₱15,000 subsidy para sa mga mangingisda at ₱10,000 ayuda para sa mga biktima ng bagyo, laluna ang mga pamilyang napilitang lumikas mula sa kanilang mga bahay.
“Hindi lahat ng magsasaka at mangingisdang nangangailangan ay nakakatanggap ng ayuda. Kung kukuwentahin ang average na gastos ng magsasaka sa isang panahon, kulang na kulang din ang nakukuhang tulong para talagang makabangon mula sa pagkalugi. Lalong kawawa ang mga magbubukid na walang kakayahang magbayad ng inutang para sa panggastos sa pagsasaka,” dagdag ni Estavillo.
“Ang kailangan ng mga magsasaka ay maayos na patubig at drainage system para sa pagbaha at maya’t mayang kakulangan sa tubig. Kailangan din ng maayos na imbakan ng mga binhi, pataba, at makinarya, at silungan ng inaalagaang mga hayop.”
“Sa pagdating ng kalamidad, hindi uubra ang puro band-aid solution na lang. Ang kailangan ay pangmatagalang tugon sa paulit-ulit na problema gaya ng krisis sa klima,” paliwanag ni Estavillo.











