Pahayag ng Makibaka para sa Paggunita ng Militanteng Pride 2025

Pakikiisa at pagpupugay ang ipinaabot ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) sa lahat LGBTQ+ lalo na yaong nasa militanteng hanay na buong-giliw ang pagwagayway ng mga bahagharing bandila kasamang ang mga pulang bandila ng mamamayan na sumisimbolo ng paninindigang makabayan, maka-uri at ng hangaring lumaya sa lahat ng porma ng karahasan batay sa kasarian, pang-aapi at pagsasamantala.

Hindi dapat kalimutan ng mga LGBTQ ang kauna-unahang Pride March o Stonewall Manila noong June 26, 1994 bilang pakikiisa sa mga LGBT ng daigdig na gumugunita sa marahas na pagsupil sa Stonewall Riots sa New York noong 1969. Sa pangunguna ng Progressive Organization of Gays in the Philippines (ProGay), katuwang ang Metropolitan Community Church (MCC), iginuhit ang makasaysayang Pride noong 1994 para iwagayway ang tindig ng mga Pilipinong LGBT laban sa lahat ng diskriminasyon at pang-aapi. Militanteng isinagawa ang unang Pride March sa Asya sa gitna ng paglaban sa VAT, pagtaas ng presyo ng langis at bilihin at sa paglalantad ng mga anti-mamamayang polisiya ng noo’y Rehimeng US-Ramos.

Ngayong 2025, hindi pwedeng magpikit mata ang LGBTQ+ sa patuloy na lumalalang pandaigdigang krisis at nagaganap na mga digmaan na nagdudulot ng matinding kahirapan at pighati sa mamamayan ng buong mundo. Higit kailanman, hinihingi ng panahon ang matalas ng pagsusuri at militanteng pagkilos para ipanawagan at isulong ang mga usapin at karapatan ng LGBTQ kasabay ng paglaban sa henosidyong digmang pinapangunahan ng imperyalistang Estados Unidos. Ang diwa ng Stonewall Riot ay kailangang buhayin—ang diwa nga mapanlabang kilusan ng LGBTQ+ upang wakasan ang dominasyon ng imperyalistang bansa sa mga maliliit na bansa, upang wakasan ang pagsasamatala sa uring anakpawis, at upang wakasan ang pang-aapi at diskriminasyon sa LGBTQ+ sa buong mundo.

Sa pagitan ng mga Pride March, kailangan ang patuloy na pagsisikhay para sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagmomobilisa sa hanay para isanib ito sa lakas ng mamamayan.

Naniniwala at nagtitiwala ang Makibaka sa LGBTQ+ na kaya nitong harapin at labanan ang ugat ng kanilang pagsasamantala at pang-aapi—ang walang patumanggang paghahangad ng higit na yaman at kapangyarihan ng ganid na mga naghaharing-uri. Mapagpasyang gawing tuntungan ang mga panawagan at paglaban para sa mga kagyat na reporma para sa mga LGBTQ+ upang abutin natin ang pinakamarami sa ating hanay at akayin sila sa landas sa tunay na paglaya at lumahok at mag-ambag sa pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.

Huwag nating hayaang mabulag tayo ng mga makukulay na mga pyesta na inilalako ng malalaking korporasyon at mga lokal na kasapakat nilang pulitiko habang patuloy ang pagpapanatili ng mga batas at pakataran sa ekonomiya at pulitika na lalong nagbabaon sa masang LGBTQ+ sa kumunoy ng kawalan ng hanapbuhay o disenteng trabaho at nagtutulak sa kanila sa mga anti-sosyal na mga aktibidad upang mabuhay. Walang singlupit ang imperyalista, gamit ang mga mapagpanggap na mga NGO at ahensya ng gobyerno na kunong nagsusulong ng karapatan ng LGBTQ+, subalit nagbubulag-bulagan sa mga paglabag sa karapatan ng mga LGBTQ+ at ipinagkakait ang mga karampatang serbisyong ipinaglalaban ng komunidad.

Nananawagan din ang Makibaka na maging kritikal ang Pilipinong LGBTQ+ sa pangkulturang opensiba ng imperyalista sa kaisipan at gawi ng masa. Kinukulayan at pinababango ang mga burges-dekadenteng kultura tulad ng maling pamantayan ng kagandahan at iba pang “pamantayan” ng pagiging LGBTQ+. Ang ganitong burges na kultura ay nagpapalaganap ng indibidwalismo at hyperseksismo at inililigaw ang landas ng kilusan para sa tunay na paglaya.

Bahagharing pagkilala at mapulang pagsaludo ang ipinaabot ng Makibaka sa mga rebolusyonaryong martir mula sa hanay ng LGBTQ+ na sina Wanda “Ka Waquin” Gumban, Kevin “Ka Facio” Castro, Jo “Ka Ella” Lapira, Ciela “Ka Alena” Pacaldo, Kal “Ka Rekka” Peralta, Queenie “Ka Kira” Daraman, at Dee “Ka Dahlia” Supelanas at sa iba pang kasamang LGBTQ na nag-alay ng lakas, talino, katapangan at buhay para sa masa at naglingkod sa iba’t ibang larangan ng pakikidigma.

Ang paggigiit ng LGBTQIA+ ng kanilang malayang pag-iral ay matapang na pagbangga sa pyudal-patriyarkal na lipunan. Ngunit tanging sa pakikipagkaisa at direktang paglahok sa pambansa demokratikong rebolusyon, tunay at tuluyang mahahawan ang landas para sa ganap na paglaya ng LGBTQIA+ kasama ang mamamayang api’t pinagsasamantalahan.

Ibayong palakasin ang ating pakikibaka tungo sa ganap na kalayaan! Mahigpit na makipagkaisa sa masang anakpawis! Wakasan ang makauring ugat ng pang-aaping nakabatay sa kasarian!

MAKIBEKI, HUWAG MATAKOT!

Source link