Mga protesta

 

Hustisya, ipinanawagan sa Araw ng mga Patay. Nagtipon ang mga pamilya ng mga biktima ng huwad na gera kontra-droga sa ilalim ng Rise Up for Life and for Rights sa isang kumbento sa Quezon City noong Nobyembre 2 bilang paggunita ng Undas. Sa araw ding iyon, nagtipon ang mga pamilya ng desaparesidos sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City. Ang mga pamilya at balangay ng Karapatan sa iba’t ibang rehiyon at prubinsya ay bumisita sa puntod at nagtirik ng kandila sa mga biktima ng pampulitikang pamamaslang.

Noong Oktubre 28, kasama ang mga grupong ito sa nagpiket sa harap ng Senado para ipanawagan ang pag-usig kay Rodrigo Duterte na noo’y pangunahing tagapagsalita sa isinasagawang pagdinig sa “gera kontra-droga” ng kanyang rehimen.

Piket laban sa plantasyong oil palm sa Negros, isinagawa. Nagpiket ang mga magbubukid ng Negros Occidental sa pangunguna ng KMP-Negros at NFSW-Negros noong Oktubre 30 sa harap ng kapitolyo ng prubinsya sa Bacolod City. Nanawagan sila sa gubernador na manindigan laban sa plantasyon ng oil palm sa bayan ng Candoni at iginiit na bigyan ng suporta ang mga apektado ng tyempo muerto o patay na panahon.

Daan-daang kabataang Pilipino, nagtipon sa kumperensya sa US. Nagsama-sama mula sa iba’t ibang bahagi ng United States ang mga kabataang Pilipino sa inilunsad nilang ikatlong Kabataan Magkaisa Conference at pangkalahatang asembleya ng Kabataan Alliance noong Oktubre 5-6 sa University of California a Los Angeles, USA. Tinatayang higit 450 kabataan mula sa 113 organisasyon ang lumahok sa naturang pagtitipon. Tinalakay sa kumperensya ang mga isyung panlipunan at kalagayan ng mga Pilipino sa Pilipinas at ibayong-dagat.