Itanghal ang Dakilang Buhay at Pakikibaka ng Tuy 3!

“..Ang pakikibaka’y pinakamatalas, at ang kahulugan ng buhay ay nasusubok sa isang mapagpasyang sandali. Kagitingan hanggang huling hininga ang bumubuhay sa martir lagpas sa iglap ng kamatayan.”
—1977, Papuri sa mga Martir, Jose Maria Sison

Ngayong araw, itaas natin ang ating mga bandilang pula, alayan ng pinakamataas na pagpupugay at saludo ang magigiting na kabataang pulang mandirigma na sina Royce Jethro “Ka Alex” Magtira, Jian Markus “Ka Reb” Tayco at Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza bilang paggunita ng unang anibersaryo ng kanilang pagkamartir.

Ipinapaabot ng National Democratic Front-Cavite at sampu ng rebolusyonaryong mamamayan sa lalawigan ang pinakamataas na pagpupugay at pulang pagsaludo sa mga magigiting na madirigmang martir ng tinaguriang Tuy 3. Makaraan ang isang taon, nananatiling buhay sa puso ng mga kapamilya, kaibigan, kasama at masa ang kabayanihan nilang tatlo.

Matatandaang sila ay nabuwal sa isang engkwentro sa pagitan ng mga berdugong 59th Infantry Batallion at isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Barangay Bolboc, Tuy, Batangas noong kinaumagahan ng Hunyo 23, 2024. Matapos ang sagupaan, labis pang pinahirapan ng teroristang 59th IB na makuha ng pamilya ang labi ng tatlong mandirigma.

Marapat na parangalan at alalahanin ang ating mga minamahal na martir na puno ng inspirasyon at determinasyon na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Sa ganitong paraan natin matitiyak ang imortalisasyon ng buhay at kamatayang pakikibaka nila kasamang Reb, kasamang Alex at kasamang George.

Nagsisilbi silang gabay sa lahat ng patuloy na nakikibaka laban sa pagsasamantala at pang-aapi ng papet na reaksyunaryong gubyerno at Imperyalistang Estados Unidos higit lalo sa hanay ng mga kabataan. Ang kanilang buhay at mga naiambag sa pambansa-demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino ay mapupulutan natin ng mga aral upang mas magpakahusay sa ating mga mabibigat na tungkulin at responsibilidad sa rebolusyonaryong kilusan.

Si Jian Markus “Ka Reb” Tayco ay mula sa uring panggitnang peti-burgesya. Komportable ang buhay na kinagisnan. Lumaki at ipinanganak sa syudad ng Bacoor, Cavite at kinatangian ang pagiging isang makulit, matalino at mausisang anak. Mula sa pagkabata, kinalakihan na ni Ka Reb ang sining na pamana ng kanyang mga magulang at kapatid; mga katangiang magagamit niya sa kanyang pag-aaral hanggang sa larangan ng pakikidigma.

2020 nang maging aktibista si Ka Reb sa ilalim ng isang lokal na pangkultural na pambansa-demokratikong pangmasang organisasyon ng mga kabataan at gumampan siya bilang vice-chairperson nito. Kalauna’y matatalaga sa panlalawigang konseho ng isang komprehensibong organisasyon ng mga kabataan sa Cavite hanggang sa mahalal siya bilang tigapangulo nito sa panrehiyunal na antas noong 2021 kasabay ng kanyang pagpupultaym sa lungsod.

Mahusay, mabilis, masinop at malakas ang inisyatiba ni Ka Reb sa mga gawain. Bukod sa pagsusulat at pag-aambag ng kanyang mga likha, mahusay sa paglilinya ng mga inilalabas na propaganda at likhang sining si Ka Reb. Matalas siyang instruktor ng mga kursong masa at akdang MLM. Bagamat matagal sa pagtuturo, tinitiyak niyang detalyado at nailalapat ang teorya sa dinaranas ng kanyang mga estudyante. Subalit, ang pinakanagniningning niyang katangian ay ang pagiging bukas sa tunggalian at puna.

Taglay niya ang mga katangian ng isang rebolusyonaryong kabataan. Kinakitaan siya ng angking husay kaya sa maagang yugto ng kanyang pakikibaka, naging bahagi si Ka Reb ng reaktibasyon ng Kabataang Makabayan Cristina Catalla noong 2020. Walang pag-aatubiling kumilos nang mas may sikhay si Ka Reb sa rebolusyonaryong gawain. Naging bahagi siya ng mga pangkat pang-organisa sa mga komunidad sa lalawigan.

Marso 2022, matapos ang kanyang kaarawan ay nagpasya nang sumampa si Ka Reb sa kanayunan at naging pulang manridigma ng Bagong Hukbong Bayan sa Batangas. Bagamat nangangapa pa sa pamumuhay ng isang hukbo, nagsumikap si Ka Reb na umangkop sa mabilis na panahon kahit pa karamihan ng panahon ay nadudulas at nahihirapan sa kanyang mga bitbitin. Ito ang mga maliliit na balakid na matututunan niyang bakahin upang higit na mapaunlad ang kanyang sarili.

Unang tungkulin niya ang pagiging opisyal sa lohistika (S4), gawaing masa sa mga erya sa Batangas at pampulitikang instruktor. Masinop si Ka Reb sa usapin pang-lohistika ng kanilang yunit. Madali niyang makuha ang kiliti ng masa na kanyang inoorganisa at nananatili ang kanyang talas sa pagtuturo ng mga pampartidong aralin. Kalaunan, si Ka Reb ay gagampan na sa gawaing militar. Kahit pa salat sa karanasan, nagsumikap siyang gampanan ang gawaing pagkakabisa ng tereyn. Mapangahas rin siyang lumahok sa isang matagumpay na taktikal na opensiba sa antas-rehiyon. Sa rebolusyon ginamit ni Ka Reb ang kanyang husay bilang isang huwarang kabataan na nag-iiwan ng malaking inspirasyon sa lahat.

Si Royce Jethro “Ka Alex/Sierra” Magtira ay nagmula rin sa uring panggitnang peti-burgesya. Malambing, masiyahin at matapang na anak ng bayan. Isinilang siya Quezon City ngunit lumaki sa bayan ng Dasmariñas. Dahil laking lungsod, nakahiligan ni Ka Alex ang rap at pag-awit ng mga OPM na kanta. Likas siyang mapagkaibigan at madaling makasundo kung kaya’t lubos ang naging pagmamahal sa kanya ng kanyang mga kapamilya, kasama at masang pinagsilbihan niya.

Una siyang maoorganisa sa isang pangkultural na pambansa-demokratikong pangmasang organisasyon ng mga kabataan noong 2020. Gagampan siya bilang kalihim ng komite sa edukasyon nito at naging kagawad rin sa komite sa organisasyon. Dito, magtatagal at mabababad si Ka Alex kung kaya’t dito niya higit na matututunan na gamitin ang kanyang mga talento bilang musikero para sa pagsisilbi sa mamamayan. 2021 nang magpapasya si Ka Alex na magpultaym sa lungsod. Pagpasok ng eleksyong 2022, itatalaga si Ka Alex para pamunuan ang kampanyang elektoral sa sektor ng mga kabataan.

Mapangahas, mapagkalinga at labis ang pagmamahal ni Ka Alex sa mga gawaing inaatas sa kanya bilang propagandista, edukador at organisador. Kilala ng mga kasama si Ka Alex bilang isang emosyonal na tao at nagamit niya ito sa husay niya sa gawaing konsolidasyon sa masa lalo sa mga magsasaka, maralita at mga kapwa niya kabataan. Mahusay niyang ipinapamalas ang kanyang talento sa pagtatanghal ng kanyang mga piyesa sa mga protesta sa Maynila at sa lalawigan. Pasensyoso magturo si Ka Alex lalo sa masa na hindi ganoon kabilis ang pagsikmura sa teorya.

Bahaging 2020 nang marerekluta at ipapaloob si Ka Alex sa Kabataang Makabayan Cristina Catalla. Mahusay niyang ginampanan ang pagpapalaganap ng rebolusyonaryong sining at kultura sa mga komunidad kung saan siya ipinakat. Bagamat kumakaharap ng mga personal na kontradiksyon, nagpatuloy at mas nagsumikhay si Ka Alex sa pagtupad ng kanyang mga rebolusyonaryong gawain. Mangahas siyang nakipamuhay sa komunidad ng mga magsasaka at maralita upang palaganapin ang rebolusyonaryong ideya sa mamamayan na kumakaharap sa mga maiinit na isyu ng demolisyon.

Disyembre 2022, sa ika-limampu’t apat na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, pumasok si Ka Alex sa isang sonang gerilya sa probinsya ng Batangas at dito magpapahayag ng kanyang buong-panahong pagsisilbi bilang pulang mandirigma ng BHB. Nanatiling mataas ang rebolusyonaryong diwa ni Ka Alex bagamat madalas hingalin sa mahahabang lakad at sa mabibigat niyang bitbitin, at nadudulas sa matatarik na tereyn tuwing palusong. Hindi ito naging dahilan upang siya’y tumigil sa kanyang piniling landas ng armadong pakikibaka.

Gagampan siya sa gawaing masa sa mga magtutubo ng Batangas at gawaing konsolidasyon sa hukbo. Kahit nasa sonang gerilya na, hindi tumigil si Ka Alex sa kanyang pagtatanghal sa mga kapihan o kahit sa karaniwang araw ng mga hukbo. Sa katunayan, mas pinagpatuloy niya pa ito. Si Ka Alex ang isa sa mga sinasanay na medik ng kanilang yunit. Subalit, kinailangang pansamantalang ipagamot si Ka Alex dahil sa kanyang mga kidney stones na humadlang sa kanyang kilos sa loob ng sona.

Habang nagpapahinga, gawain pa rin ang nasa isip ni Ka Alex. Ipinaloob at gumampan siya sa komite sa edukasyon, propaganda at kultura. Hindi naging hadlang ang kanyang sakit para sa patuloy na pag-aambag sa rebolusyonaryong gawain. Ito ay isa rin sa larawan ng isang huwarang kabataan walang pag-iimbot na inaalay ang kanyang buhay para sa kapakanan ng sambayanan.

Kaya napapanahon lamang ang sipi ng ‘Papuri sa mga Martir’ na tula ni Kasamang Joma para sa pagpaparangal sa ating tatlong nabuwal na kasama. Ngunit para sa karagdagan, sa pambansa-demokratikong kilusan, hindi sukatan ang bilang ng lumilipas na segundo, minuto o taon para maglaho sa hangin ang pangalan ng ating mga martir. Ang ating paalala sa estado, na sa pagkabuwal ng mga rebolusyonaryo, libo-libo ang magsusulong ng kanilang mga simulain at libo-libo ang muling pupulot sa kanilang nabitawang mga armas. Hangga’t umiiral ang pagsasamantala ng uri sa uri, hindi mag-aatubili ang mamamayan na tahakin ang rebolusyonaryong landas hanggang sa tagumpay. Mabubuhay at mabubuhay ang diwa nila Ka George, Ka Reb at Ka Alex.

Pinakamataas na pagpupugay kina Jian Markus “Ka Reb/Joven” Tayco, Royce Jethro “Ka Alex/Sierra” Magtira, Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza!

Mabuhay ang Tuy 3!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

Source link