Labanan ang gerang agresyon ng US-Israel laban sa Iran

Kaisa ng lahat ng pwersa at mamamayan sa buong daigdig na nagtataguyod sa kapayapaan, gumagalang sa kasarinlan ng mga bansa at sa internasyunal na batas, dapat manindigan ang sambayanang Pilipino laban sa walang probokasyong teroristang pagsalakay ng Zionistang estado ng Israel, kasabwat ang imperyalismong US, laban sa bansang Iran at sa mamamayan nito. Ang mahigit isang linggo nang walang patumanggang pag-atakeng ito, gamit ang mga jetfighter, misayl at drone, ay tahasang yumuyurak sa soberanya ng Iran at gumagatong ng mas malawakang gera.

Gamit ang mga sandatang binibigay ng US, pinupuntirya ng Israel ang mga pasilidad para sa enerhiyang nukleyar, repineriya ng langis, mga lugar na pang-industriya, mga pasilidad sa pananaliksik, maging ang mga gusaling sibilyan. Inaa sinta nito ang susing mga upisyal militar at nangungunang mga syentista ng Iran. Sa loob ng isang linggo, hindi bababa sa 630 ang pinatay ng Israel sa mga pag-atake, kabilang ang halos 270 sibilyan.

Hindi katanggap-tanggap ang pagdadahilan ng Zionistang Israel sa pambobomba nito sa Iran, na layunin diumanong sagkaan ang pagkakaroon nito ng mga sandatang nukleyar. Ang ganitong pangangatwiran ng Israel, na sinusuhayan ni President Trump ng US, ay mariing pinasusubalian ng International Atomic Energy Agency ng United Nations na nagsabing walang patunay na may programa ang Iran para lumikha ng mga sandatang nukleyar, matapos ito mag-inspeksyon sa mga pasilidad pangnukleyar.

Ang Israel ang pinakamalaking bantang nukleyar sa Middle East, dahil mayroon itong humigit-kumulang 100 sandatang nukleyar (nuclear warheads) at may kakayahang gumawa ng 300 pa. Wala itong karapatan na sagkaan ang Iran, isang independyenteng bansa, na magpaunlad ng sariling kakayahang nukleyar, para man sa enerhiya o para sa militar. Sa pag-atake ng Israel sa Iran, diniskaril nito ang pagsisikap ng Iran na muling buhayin ang Joint Comprehensive Plan of Action, tratado kontra sa paglaganap ng mga armas nukleyar, na ibinasura ng US noong 2018.

Estratehikong layunin ng pag-atake ng Israel sa Iran ang ipataw ang hegemonya ng imperyalismong US sa Middle East at kontrolin ang malawak na rekursong langis ng rehiyon. Pakay nitong parusahan ang Iran sa pagtindig nito para sa kanyang soberanya at sindakin ang ibang bansa sa rehiyon para yumuko sa kapangyarihan ng US at Israel.

Kasuklam-suklam ang mga pag-atake ng Israel sa Iran, laluna’t kasabay nito ay nagpapatuloy pa ang halos dalawang taon na nitong pambobomba at pananakop sa Gaza Strip, lupain ng mga Palestino. Halos 60,000 Palestino na ang pinatay sa henosidyo ng Zionistang estado ng Israel. Matapos lubos na durugin ang Gaza, ipinataw ngayon ng Israel ang isang masidhing krisis sa gutom at sakit sa pagbabawal nitong makapasok ang lahat ng ayudang makatao, pagkontrol sa pamamahagi ng pagkain, at halos araw-araw na walang pakundangang pamamaril sa mga nakapilang naghihintay ng ayuda.

Taglay ang suporta ng US sa pagwasak sa Gaza, lumakas ang loob ng Zionistang estado ng Israel, na palawakin ang gerang agresyon sa buong rehiyon ng Middle East. Sa nagdaang mga buwan, inatake nito ang Lebanon at Syria. Kinontrol ng mga mapanakop na pwersa ng Israel ang Golan Heights at iba pang estratehikong bahagi ng Syria, matapos makipagtulungan sa US at sa mga armadong grupo doon para ibagsak ang gubyerno ni Bashir al-Assad. Tuluy-tuloy rin ang pambobomba sa Yemen, katuwang ang US.

Dapat suportahan ng mga demokratikong pwersa sa mundo ang Iran sa pagtatanggol nito ng sarili laban sa agresyon at pananalakay ng US-Israel. Milyun-milyong mga Iranian ang nagtitipon sa Tehran at iba pang syudad sa Iran upang ipamalas ang kanilang pagkakaisa at tapang na labanan ang pananalakay ng Israel. Lubos ang karapatan ng Iran na gantihan ang Israel at ipagtanggol ang soberanya nito. Sa mga nagdaang araw, nagpalipad ito ng sarili nitong mga misayl. Marami sa mga ito, kabilang ang mga hypersonic missile, ay bigong pigilan ng depensa ng Israel. Sa harap ng lumalaking pinsala sa Israel, unti-unting napupukaw ang mamamayan ng Israel na magsalita at maninindigan laban sa terorismo ng Zionistang estado.

Labis ngayong nahihiwalay ang Israel at US sa internasyunal na komunidad ng mga bansa. Mula Europe hanggang Asia, nagkakaisa ang panawagan sa Israel na tigilan na ang pag-atake sa Iran. Sa harap ng malawakang internasyunal at lokal na pagtutol, nag-uurong-sulong ngayon si Trump sa pinag-uusapang balak niyang tuwirang pumasok sa gera at maghulog ng 30,000-librang bomba sa Iran.

Dapat ibayong palawakin at palakasin ang panawagan ng mga demokratikong pwersa sa mundo para wakasan ng US at Israel ang pambobomba sa Iran. Kasabay nito, dapat ibayong palakasin ang panawagang suportahan ang mamamayang Palestino, at palayasin ang mga pwersa ng Zionistang estado ng Israel mula sa Gaza, upang bigyang daan ang mga Palestino na muling itindig ang kanilang mga tahanan at buhay. Dapat palakasin ang panawagan sa mamamayan ng Israel na manindigan laban sa pasistang rehimeng Netanyahu at igiit ang kagyat na pagwawakas sa mga gerang agresyon nito.

Ang gerang agresyon laban sa Iran ay tanda ng lumalalim na krisis ng imperyalismo, at isang mayor na tulak ng imperyalistang US sa ilalim ni Trump na muling hatiin ang mga yaman ng mundo, pabor sa kanyang interes. Mula Europe, tungong Middle East at Asia, nagiging lalong agresibo ang US sa pagbubuhos ng malaking rekursong pangmilitar, at paglulunsad ng mga proxy war laban sa mga bansang sumasagka sa pagpapataw nito ng hegemonya sa buong mundo.

Dapat magkaisa ang sambayanang Pilipino at suportahan ang mamamayan ng Iran sa paglaban sa imperyalistang gera. Kasabay nito, dapat kumilos ang sambayanang Pilipino laban sa paggamit ng imperyalismong US sa bansa bilang lunsaran ng gera. Dapat kumilos ang mga manggagawa at magsasaka, at itatag ang malapad na nagkakaisang prente upang labanan ang mga gerang agresyon ng US at paghahanda nito ng gera.

Dapat patuloy na palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at ang armadong pakikibaka sa buong bansa. Ang digmang bayan at rebolusyonaryong kilusan ang pinakamalakas na sandata ng sambayanang Pilipino para labanan ang papet na rehimeng Marcos, pigilan ang pakana nitong kaladkarin ang bansa sa digmaang pinasisiklab ng among imperyalista, at ipaglaban ang tunay na kalayaan ng bansa.

Source link