Sunud-sunod na pagkalugi ang ininda ng mga mangingisda sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng malalaking war games ng US. Sa harap nito, walang ibinigay na suporta at kumpensasyon ang estado sa karamihan sa kanila liban sa limitado at kaunting pagkaing ayuda.
Hindi bababa sa 6,300 rehistradong mangingisda mula sa anim na baybaying bayan ng Zambales (San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabangan, Botolan, at Subic) ang hindi nakapagpalaot noong isinagawa ang Balikatan mula Abril 25 hanggang 27 at Mayo 5 hanggang 6. Ipinatupad ang pagbabawal sa pangingisda habang isinagawa ng mga pagpapalipad ng mga misayl at tangkang pagpapalubog ng isang barko. Hiwalay na pagbabawal pa ang isinagawa sa mga mangingisda sa Cagayan at Aurora sa kasagsagan ng panahon ng pangingisda.
Sa Zambales, binigyan lamang ng 10 delata, kasama ng kaunting bigas, asukal, instant coffee, at chocolate drink ang mga mangingisdang pinagbawalan mangisda dahil sa Balikatan sa mga barangay ng Pundaquit at San Miguel. Ang malala, 226 lamang sa kabuuang 6,300 rehistradong mangingisda apektadong mangingisda ang nakabenepisyo sa ayuda.
Lalong pinatindi ang kanilang kalagayan pagdating ng habagat na nagdadala ng malalakas na hangin at malalaking alon sa karagatan na tinatawag “sigwada.” Nililimitahan nito ang kanilang kakayahang pumalaot, na lalong nagbabagsak sa kanilang kabuhayan. Idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang simula ng habagat noong Mayo 30, at inaasahang magtatagal ito hanggang Setyembre.
Ayon sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), higit 27,000 rehistradong mangingisda sa Zambales at mahigit 30,000 sa Cavite pa lamang ang labis nang apektado ng araw-araw na pagkawala ng kita dahil sa habagat. Marami sa kanila ang walang ibang pinagkakakitaan at napipilitang itigil ang pangingisda nang ilang linggo o buwan.
Panawagan ng grupo sa Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ilaan ang bahagi ng P1-bilyong calamity fund ng estado para tulungan ang maliliit na mangingisda, ngunit mabagal at kulang pa rin ang tulong na dumarating.