Ka Louie Jalandoni, binigyang pugay ng iba’t ibang grupo

Mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas hanggang sa maraming bahagi ng mundo, nagbigay-pugay ang mga organisasyon, partido at grupo kay Ka Luis Jalandoni (Ka Louie) sa kanyang mga ambag sa rebolusyong Pilipino at pandaigdigang kilusang anti-imperyalista. Kinilala siya bilang isang matatag na tagapagtaguyod ng kapayapaan, internasyunalista at rebolusyonaryo.

Ayon sa pabatid ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at National Council ng National Democratic Front (NDF), pumanaw si Ka Louie sa ganap na alas-9:05 ng umaga sa Utrecht, the Netherlands (03:05 ng hapon, oras sa Pilipinas) noong Hunyo 7. Siya ay 90 taong gulang. Sa kanyang pagpanaw, kapiling ni Ka Louie ang mga kasama, ang kanyang asawang si Ka Coni Ledesma, at kanyang pamilya.

“Hindi pangkaraniwan ang naging buhay ni Ka Louie,” ayon sa pahayag ng Komite Sentral. Anang pamunuan ng Partido, “hindi kailanman mapapawi ang kanyang mga ambag sa pagbubuo at pagpapalakas ng Partido at NDF, at sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, pangunahin sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, gayundin sa iba pang mga anyo ng pakikibaka, kabilang ang negosasyong pangkapayapaan.”

Buhay ni Ka Louie

Ipinanganak si Ka Louie sa isang pamilya ng malalaking panginoong-maylupa at tagapagmay-ari ng mga tubuhan sa Silay City, Negros Occidental noong Pebrero 26, 1935. Nag-aral at nagtapos siya sa pribadong paaralan sa hayskul at kolehiyo.

Pumasok sa bokasyon ng pagpapari si Ka Louie at na-ordinahan bilang pari ng Simbahang Katoliko. Nagsilbi siyang pinuno ng Social Action Center (SAC) ng Diocese of Bacolod kung saan naging mas malapit siya sa mga mahihirap at komunidad ng mga manggagawang-bukid sa isla.

Noong Pebrero 17, 1972, isa si Ka Louie sa nagtatag sa Christians for National Liberation (CNL), grupo ng mga Kristyanong lumaban sa diktadurang Marcos Sr. Sa asembliya ng pagtatatag nito, nahalal kapwa sina Ka Louie at kanyang asawang si Ka Coni sa National Executive Board. Ang CNL kalaunan ay magsisilbing isa sa mga alyadong organisasyong tagapagtatag ng NDFP noong 1973.

Naging kasapi ng Partido si Ka Louie noong Marso 1972. Matapos ipataw ang batas militar, naging bahagi si Ka Louie ng kilusang lihim para labanan ang pasistang diktadura. Sa kanilang paglaban, naaresto si Ka Louie at Ka Coni noong noong 1973 at ikinulong sa Fort Bonifacio.

Halos isang taong nakulong si Ka Louie sa isang madilim at walang bintanang selda kasama ang anim o pitong iba pa. Dahil sa serye ng mga protesta at kampanya ng mga relihiyoso at internasyonal na grupo sa karapatang-tao, natulak ang rehimeng Marcos na palayain sila noong Hulyo 1974.

Noong 1975, tumulong siya sa pag-oorganisa at koordinasyon sa makasaysayang welga ng mga manggagawa sa La Tondeña sa Maynila–ang unang mayor na welga ng mga manggagawa sa ilalim ng paghaharing militar. Sa sumunod na taon, nagpunta si Ka Louie sa ibang bansa para pamunuan ang gawain sa internasyunal na pakikipag-ugnayan para sa Partido at ilantad ang brutal na mga krimen ng diktadurang Marcos.

Dahil sa mga banta sa kanilang buhay at katiyakan ng pag-uusig kung sila ay babalik sa Pilipinas, humingi at pinagkalooban ng political asylum si Ka Louie at Ka Coni sa Netherlands—at sila ang naging mga unang Pilipinong nakatanggap nito. Mula sa pagkakadistyero, masigasig na nagtrabaho si Ka Louie upang palakasin ang suporta para sa rebolusyong Pilipino.

Noong Hulyo 1977, pormal na itinalaga si Ka Louie bilang Internasyunal na Kinatawan ng NDFP. Gumampan siya ng mahalagang papel sa pagtatayo ng Internasyunal na Upisina ng NDFP sa Utrecht at sa pag-oorganisa ng pandaigdigang suporta para sa paglaban ng sambayanang Pilipino sa diktadurang US-Marcos. Nagsilbi siyang susing tagapag-organisa ng People’s Permanent Tribunal on the Philippines noong 1980 na naglantad sa malalalang paglabag ng rehimen sa karapatang-tao, at kumilala sa NDF bilang tunay na kinatawan ng sambayanang Pilipino.

Bilang punong kinatawan ng NDFP sa internasyunal na larangan, isinagawa ni Ka Louie ang proto-diplomatikong gawain at nagtatag ng ugnayan sa mga dayuhang gubyerno, internasyunal na ahensya, mga grupo sa pagkakapatiran, at mga rebolusyonaryong kilusan at partido sa buong mundo. Tumulong siya sa pagpapalakas ng tinig ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapahayag ng makatarungang adhikain ng rebolusyonaryong kilusan.

Noong 1989, itinalaga si Ka Louie bilang punong negosyador ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Mula noon, naging susing personahe si Ka Louie sa pagpirma ng mga kinatawan ng NDFP at GRP sa mga makabuluhang kasunduan kabilang ang The Hague Joint Declaration of 1992, Joint Agreement for Safety and Immunity Guarantees, the Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, at iba pang dokumento at kasunduan.

Noong 2016, pormal na bumaba sa pagiging punong negosyador ng NDFP si Ka Louie. Kasunod nito, naitalaga siya bilang senior adviser sa negotiating panel.

Huwarang rebolusyonaryo

Sampu ng lahat ng mga grupong rebolusyonaryo sa Pilipinas, ipinaabot ng Komite Sentral ng PKP ang taos-pusong pasasalamat kay Ka Louie Jalandoni sa pag-alay ng kanyang buhay sa sambayanang Pilipino, sa NDFP at sa Partido. “Habambuhay naming pahahalagahan ang kanyang napakalaking ambag sa pagsusulong ng pakikibaka ng mamamayan para sa pambansa at panlipunang paglaya,” pahayag ng pamunuan ng Partido.

Ayon sa Komite Sentral, sa kanilang pagdadalamhati sa pagpanaw ni Ka Louie ay matibay nitong ipinapangako na itutuloy ang kanyang pamana ng walang pag-iimbot na paglilingkod, walang hangganang kababaang-loob, rebolusyonaryong integridad, at paninindigan sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tuluyang makamit ang tagumpay.

Bilang bahagi ng pagpaparangal kay Ka Louie, naglabas ng isang panata ang Partido na ipinabigkas nito sa mga Partidista, Pulang kumander at mandirigma at mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyong masa. Noong Hunyo 12, isinagawa rin ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa ang tahimik na 21-gun salute, sa atas ng Komite Sentral ng PKP, para parangalan si Ka Louie. Binasa at tinalakay rin sa mga pagtitipong ito at lihim na mga asembleya sa kalunsuran ang pahayag ng pagpaparangal ng Komite Sentral.

Liban sa Komite Sentral, naglabas rin ng pahayag ng parangal ang mga yunit ng BHB, mga panrehiyong balangay at alyadong organisasyon ng NDFP. Kabilang dito ang NDF International Office, CNL, Liga ng Agham para sa Bayan, Compatriots, Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid, Kabataang Makabayan at mga yunit ng BHB. Pinakamaraming pahayag ang nagmula sa mga organisasyong nakabase sa isla ng Negros, lupang tinubuan ni Ka Louie.

“Inaalala namin [siya] bilang aming minamahal na bayani, na iniwan ang kanyang pagiging mayamang panginoong-maylupa mula sa Silay City, Negros Occidental at naging kaisa ng masang Negrosanon sa kanilang dakilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya,” ayon kay Ka Bayani Obrero, tagapagsalita ng NDF-Negros Island.

Ipinangako ng grupo na kikilalanin nito at itataguyod ang rebolusyonaryong pamana ni Ka Louie. Determinado itong isusulong ang kanyang halimbawa ng buong-pusong paglilingkod sa masa, walang pag-iimbot na pagsasakripisyo at katapatan sa adhikain ng masang Negrosasnon at masang Pilipino.

Lokal at internasyunal na pagkilala

Nagpahayag ng pagkilala kay Ka Louie at kanyang mga ambag ang mga partido at organisasyon mula sa Ireland, United States, Afghanistan, Germany, Turkey, Kurdistan at iba pang mga bansa. Sa Pilipinas, kabi-kabila ang pagpaparangal ng mga grupo at institusyong nagtataguyod ng makatarungan at matagalang kapayapaan sa bansa.

Kabilang sa mga ito ang Anti-Imperialist Action Ireland, Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS), Communist (Maoist) Party of Afghanistan, Freedom Road Socialist Organization, Marxist Leninist Communist Party Turkey/Kurdistan, Marxist-Leninist Party of Germany (MLPD), Samidoun Palestinian Prisoner Solidarity Network at Communist Party of Turkey-Marxist-Leninist (TKP-ML).

“Ang mga kontribusyon ni Ka Louie sa pandaigdigang gawain ng rebolusyonaryong kilusan sa halos 50 taon niyang paninirahan sa ibang bansa ay napakahalaga,” ayon kay Robert Reid, tagapangulo ng FFPS. Nagpasalamat ang grupo sa gabay, payo, at inspirasyong ibinigay ni Ka Louie sa kanila sa paglipas ng mga taon.

Ayon kay Reid, “tapat sa kanyang mapagpakumbaba at mabait na pagkatao, malugod na inilaan ni Ka Louie ang kanyang oras at pagsisikap upang makiisa sa aming mga gawain at pagtitipon ng mga kasapi sa maraming pagkakataon, ibinahagi ang kanyang mga karanasan at walang katapusang kaalaman tungkol sa rebolusyong Pilipino at ang papel ng pandaigdigang pagkakaisa ng mga mamamayan sa buong mundo.”

“Sa walang pag-iimbot at rebolusyonaryong diwa ni Ka Louie, patuloy naming palalawakin at palalakasin ang aming gawain ng pagkakaisa sa mga pakikibaka ng sambayanang Pilipino hanggang sa makamit ang isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas,” ayon kay Reid.

Sa Pilipinas, kinilala si Ka Louie ng iba’t ibang organisasyon kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Koalisyong Makabayan, mga grupong maka-kapayapaan tulad ng Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP) at iba pa.

“Ang kanyang panghabambuhay na paninindigan para sa pundamental na rebolusyonaryong pagbabago sa Pilipinas at sa buong mundo ay nagsisilbing inspirasyon sa lahat ng naniniwala na tunay ngang posible ang isang mas mabuting mundo at na ang mga inaapi at pinagsasamantalahang masa ang tunay na tagapaglikha ng kasaysayan,” pahayag ng Bayan.

Source link