Pinakamataas na pagpupugay para kay Ka Louie Jalandoni

Pinupugayan ng buong kasapian ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) si Ka Louis “Louie” Jalandoni, peace consultant ng NDFP at dakilang rebolusyonaryo. Pumanaw si Ka Louie noong ika-7 ng Hunyo sa Utrecht, Netherlands, sa edad 90.

Na-organisa si Ka Louie bilang rebolusyonaryo noong siya ay pari ng Simbahang Katoliko. Sa hanay ng taong-simbahan, puspusan ang ginawang pag-oorganisa ni Ka Louie at pag-aambag sa iba’t ibang rebolusyonaryong gawain, kabilang dito ang pagbubuo ng Christians for National Liberation o CNL.

Malaki rin ang naging ambag ni Ka Louie sa kanyang kontribusyon sa pagsusuri sa sektor ng agham at teknolohiya sa bansa sa kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. Si Ka Louie ang may-akda ng kauna-unahang edisyon ng “State of Philippine Science and Technology” noong 1997, na nagsilbing gabay para sa mga progresibo at makabayang siyentista, inhinyero, at propesyunal sa kanilang pag-organisa at pagkilos.

Sa mahabang panahon, nagsilbing peace consultant si Ka Louie sa mga usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at ng reaksyunaryong estado. Katuwang ang iba pang consultant, napag-usapan at nabuo ang mga inisyal na plano sa aktwal na pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at ng pambansang industriyalisasyon. Sa kabila ng urong-sulong at pasikot-sikot ng usapang pangkapayapaan sa mga nagdaang rehimen, hindi sumuko si Ka Louie sa pagsusulong ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa hanggang sa dulo ng kanyang buhay.

Para sa mga rebolusyonaryong siyentista, inhinyero, propesyunal, at estudyante, ang buhay ni Ka Louie ay kumikinang na bituin na nagsisilbing gabay at inspirasyon sa ating pagkilos. Aaralin, babalikan, at isasabuhay ng kasapian ng LAB ang diwa at iniwang karunungan ni Ka Louie. Para sa tunay na kalayaan at pangmatagalang kapayapaan na inaasam ng sambayanan, kasama ang Liga ng Agham para sa Bayan para sa pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.

Pinakamataas na pagpupugay para kay Ka Louie Jalandoni!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Hanggang sa tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon!

Source link