Ratipikasyon ng lehislatura ng Japan sa RAA, tinuligsa ng mga Pilipino at Japanese

Tinuligsa ng mga migranteng Pilipino sa Japan at mga Japanese na nagmamahal sa kapayapaan ang ratipikasyon ng Japanese Diet (lehislatura ng Japan) sa Japan-Philippines Reciprocal Access Agreement (RAA) noong Hunyo 6. Tinawag nila itong isang mapanganib na kasunduang militar na hindi nagsisilbi sa interes kapwa ng mga Pilipino at Japanese, kundi para lamang sa heyopulitikal na ambisyon ng mga impyeryalista.

“Malayo sa pagpapalakas ng kapayapaan at seguridad, pinalalala ng kasunduang ito ang tensyon sa rehiyon ng Asia-Pacific at hinahatak ang ating mga bansa sa adyenda ng digmaan ng US at ng mga kaalyado nito,” ayon sa nagkakaisang pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Japan, Japan Campaign for Human Rights in the Philippines (JCHRP), Migrante Japan at Asia-Wide Campaign (AWC).

Dagdag na ligalig

Tulad ng isang asong pinakahol ng amo, pinalakpakan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ratipikasyon ng Japanese Diet sa RAA. Labis-labis ang pasasalamat ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner sa Japan na dating sumakop sa Pilipinas at nag-iwan ng bakas ng karahasan sa mga Pilipino.

“Isang malaking ilusyon ang hinahabi ni Brawner na ‘regional stability’ na idudulot daw ng RAA,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). “Taliwas sa sinasabi ni Brawner, lalong paiinitin ng RAA ang tensyong militar sa rehiyon ng Asia. Bahagi ito sa mga maniobra ng US para upatin ang galit ng China alinsunod sa estratehiyong plano ng US pasiklabin ang gera laban dito.”

Imbes na istabilidad, dagdag na ligalig na idudulot nito hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa buong rehiyon. “Hindi lamang China ang ginagalit ng Japan at mga tuta ng US sa Pilipinas. Nililigalig din nila ang mga karatig-bansa natin sa Southeast Asia na mapayapang nakikitungo sa China sa kabila ng may katulad o higit pang sigalot sa karagatan,” ayon kay Valbuena.

Tagibang na kasunduan

Ang RAA ay pinirmahan ng mga kinatawan ng Japan at Pilipinas noong Hulyo 8, 2024. Niratipikahan ito ng Senado ng Pilipinas, alinsunod sa itinakdang proseso ng konstitusyon ng bansa, noong Disyembre 2024. Pumabor dito ang 19 na mga senador. Kabilang sa mga pumirma si Sen. Risa Hontiveros, nangungunang lider ng Akbayan Party-list.

Sa ilalim ng kasunduan, pahihintulutan ang pagpasok at walang-taning na pananatili ng walang-takdang bilang ng mga tropa ng Japanese Self-Defense Forces (JSDF) sa teritoryo ng Pilipinas. Habang nasa loob sila ng bansa, hindi sila nakapailalim sa awtoridad ng Pilipinas at ang Japan ang mamamahala at may kontrol sa lahat ng kanilang aktbidad.

Hindi na kailangang kumuha ng visa o magparehistro bilang “dayuhang bisita” sa mga ahensya ng estadong Pilipino ang mga bumibisitang tropa at sibilyang kontraktor ng Japan, gayundin ang kani-kanilang mga pamilya. Ni hindi kailangang magprisenta ng pasaporte ang mga tropa kung mayroon silang dalang “defense service identity card” na pirmado ng Japan.

Ayon sa mga grupo, labis ang kanilang pag-aalala dahil muling nagiging palaruan ng militar ang Pilipinas para sa mga dayuhang kapangyarihan. “Lubos naming batid ang karumal-dumal na epekto ng digmaan at pagpapalayas,” anila.

“Sa aming mga kasamang Japanese: nakikita namin kung paanong banta rin ang kasunduang ito sa pasipistang konstitusyon ng Japan at ang kapayapaang pinangangalagaan ng mga henerasyong nakakaalala sa malawakang pagkawasak ng digmaan,” pahayag ng mga grup. Naniniwala sila na ang RAA ay isang karagdagang pagtatangka na baligtarin ang mga pangako ng Japan pagkatapos ng digmaan at pabilisin ang patuloy nitong pagbaling pabalik sa militarisasyon, kasabay ng mga planong militar na pinamumunuan ng US sa Asia-Pacific at laban sa katunggaling imperyalistang China.

Pagdidiin ng mga grupo, pinirmahan at naipasa ang kasunduang ito nang walang makabuluhang konsultasyon sa publiko. “Isinaisantabi nito ang boses ng mga Pilipinong komunidad, civil society, mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, at mga progresibong pwersa na paulit-ulit na nanawagan para sa demilitarisasyon at soberanya,” anila.

Sa harap ng ratipikasyon ng kasunduan, nanawagan sila sa lahat ng Pilipinong migrante, mga Japanese, at mga mamamayan sa buong Asia-Pacific na tutulan ang RAA. “Labanan natin ang lahat ng anyo ng panghihimasok-militar, neokolonyal na pananakop, at imperyalistang paghahanda sa digmaan,” panghihikayat nila.

Source link