Kaanak ng mga diumano’y kasapi ng BHB sa Northern Samar, target ng paninindak ng 74th IB

Marubdob na kinundena ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar ang 74th Infantry Battalion, sa pangunguna ni Lt. Col. Joseph Abrinica, sa lantarang paninindak sa mga sibilyan upang piliting “pasukuin” ang mga kaanak nilang pinararatangang kasapi ng BHB.

“Sa gitna ng de facto martial law na ipinataw ng 74th IB sa mga barangay at pagkontrol sa buhay at kabuhayan ng taumbaryo, kinakasangkapan ng mga sundalo ang mga sibilyan sa kanilang maruming kampanyang saywar,” ayon sa BHB-Northern Samar. “Imposible na kusang-loob na magsalita ang taumbaryo habang kontrolado ng militar ang kanilang baryo.”

Tinutukoy ng Rodante Urtal Command (BHB-RUC) ang mga bidyo na inilabas kamakailan ng nasabing batalyon, kung saan ipinakitang nananawagan ang mga kapamilya ng pinagbibintangang kasapi ng hukbong bayan.

Ayon sa BHB-RUC marami sa kanila ay mga residente ng Sityo Canonghan, Barangay Osmeña, at Barangay Capacujan, kapwa sa bayan ng Palapag. Ang dalawang baryong ito ay ilan lamang sa mga baryong isinailalim sa halos walang patlang na operasyong kombat, sapilitang pagpapasuko at walang-awat na paglabag sa karapatang-tao mula pa noong 2020.

Lalo pang tumindi ang pang-aabuso militar nang madeploy ang 74th IB noong 2023. Isang taon matapos madeploy sa lugar, pinaslang nila ang magsasakang si Ryan Arnesto, nang tangkain nitong bawiin ang mga kamag-anak niyang hinuli at iligal na idinetine nang ilang buwan sa kampo ng mga sundalo. Gayundin ang gawing “hostage” ang mga pamilya kabilang ang mga menor de edad para pasukuin ang kanilang mga magulang at kamag-anak na pinaghihinalaang kasapi ng BHB.

Liban pa dito ang maya’t mayang pag-iistraping at pagsaywar, kasabay ng mga “lockdown” sa baryo, pagbabawal ng pagtrabaho sa bukid, at blokeyo sa mga kalakal na lumalabas-pasok sa baryo—mga panggigipit na isinasagawa sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP).

Patunay ito na ang presensya ng 74th IB ay kalbaryo para sa mga magsasakang nasa isa sa pinakamahihirap na prubinsya sa bansa, ayon sa BHB-RUC. “Sa gitna ng gayong martial law, kinakasangkapan ng mga sundalo ang mga sibilyan para sa kanilang pasistang propaganda.”

Dagdag pa, sa paglalabas ng nasabing bidyo ay mistulang hinihikayat ng 74th IB ang “bounty hunting” o paglagay ng patong sa ulo sa mga pinararatangan nilang kasapi ng BHB, na tahasang paghihikayat sa ekstrahudisyal na pamamaslang, taliwas sa ipinangangalandakang “due process” ng reaksyunaryong estado.

“Walang mali sa paglaban; may mali kaya may lumalaban. Ang EJK, martial law sa kanayunan, at Red-tagging na ginagawa ng 74th IB at iba pang yunit militar ang siyang lalong nagtutulak sa mga magsasaka ng Northern Samar patungo sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka,” ayon sa BHB-RUC.

Nanawagan ito sa mga grupo sa karapatang-tao na kagyat na magsagawa ng imbestigasyon sa lugar upang ilantad ang mga paglabag ng 74th IB sa karapatang tao. Dapat na umanong lisanin ng pasistang batalyon ang mga baryo at itigil na ang pagpapahirap sa mga magsasaka.

Source link