Hindi bababa sa tatlong barangay ang kasalukuyang nakapailalim sa malupit na militarisasyon sa pangunguna ng 83rd IB. Tuluy-tuloy ang panghaharas, pagbabanta at intimidasyon ng mga residente mula sa mga nagpapakilalang tauhan ng militar at kasama nitong sibilyan na ahente ng estado.
Target ng mga sundalo ang mga sibilyan na pinagdududahan at pinararatangan nilang na kamag-anak ng BHB. Pinupwersa nila ang mga ito na pasukuin kuno ang kanilang diumanong kamag-anak na Pulang mandirigma o sila mismo ay sumurender na bilang mga myembro ng BHB.
Pinupwersa rin sila na mag-ulat tungkol sa mga aktibidad ng mga BHB sa lugar. May mga kaso rin ng paulit-ulit na panloloob ng mga sundalo sa mga bahay ng mga residente at pananakot sa mga bata.
Ayon sa Karapatan Bicol, nagpahayag ng takot ang mge residente dahil mistulang nauulit lamang martial law noong panahon ng naunang Marcos.
“Sa halip na magbigay na kinakailangang serbisyo mula sa gubyerno na mag-aangat sa kanila mula sa kahirapan, sila pa ay pinapailalim ng mga sundalo sa interogasyon, pagbabanta, mga akusasyon na maya kinalaman sila sa mga NPA na walang batayan,” anito.
Isa sa mga biktima si Josephine Bracero, 35 taong gulang. Noong Mayo 19, habang nagbabantay sa kanyang anak sa ospital, tinext siya ng kanyang kamag-anak na si Larry Cultivo. Ani Cultivo, gusto daw siyang kausapin tungkol sa ayuda mula sa kapitan ng kanilang barangay. Nang makipagkita si Bracero, mayroong kasamang tatlong sundalo at isang di kilalang tao si Cultivo. Pinupwersa siya na kumbinsihin ang kanyang asawa na magsurender at binalaan siya na huwag ikwento sa iba ang usapan nila.
Isa pang biktima si Mila Valle Ombao, 50, taga barangay Sta. Cruz. Ininteroga siya ng mga sundalo, kasama si Cultivo, noong Mayo 27 at pinilit na sabihin kung nasaan ang kanyang asawa.Inakusahan siya ng mga sundalo na nagsisinungaling at binantaang kakasuhan sa korte.
Pinuntahan naman sa bahay nila Joar Ambao, 34; Ruben Ambao, 63 at Dennis Ombao, 25 ng mga sundalo noong Mayo 28 sa Barangay Bacgong. Inaakusahan sila na nagbibigay ng bigas sa BHB at kinuhanan sila ng litraro nang walang pahintulot.
Si Cultivo rin ang kasama ng tatlong lalaki na iligal na pumasok sa bahay ni Analiza Pacon sa Barangay Bacgong at tinangkang kunin ang kanyang hawak na cellphone. Nakilala ni Pacon na isa bilang sundalog dati nang nanghalughog sa kanyang bahay noong Oktubre 2024. Pinagmumura siya ng mga ito at inakusahan sumusuporta sa BHB. Natroma ang kanyang mga anak na nakasaksi sa pangayari.
Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Karapatan Bikol at iba pang alyadong organisasyon hinggil sa nagpapatuloy na militarisasyon sa Caramoan. Kinundena nila na ang paggamit ng sibilyan na ahente tulad ni Cultivo para tukuyin ang mga diumano’y sumusuporta sa BHB ay nagpaiigting sa pambabanta at karahasan.
Anila, ang pondo ng gubyerno ay dapat napupunta sa pangunahing serbisyo, reporma sa lupa at pag-angat sa mahihirap at hindi sa pinaiigting na operasyong militar. Panawagan nila sa Commission on Human Rights na gumawa ng agarang aksyon upang imbestigahan ang nagpapatuloy na panggigipit sa mga sibilyan.
“Ang militarisasyon ay ginagamit upang sikilin ang lumalawak na paglaban sa kanayunan, kung saan ang kawalan ng sapat na serbisyo at imprastraktura ay lalong naggagatong sa galit ng mamamayan. Sa halip na tugunan ang pangangailangan ng komunidad, ang pampublikong pondo sa dapat napupunta dapat sa pagpapaunlad ay napupunta lamang sa korapsyon, na nagkakait sa mga mamamayan ng suporta na nararapat nilang matanggap” dagdag ng Karapatan Bicol.