Mga migrante sa Hong Kong, kinundena ang sapilitang kontribusyon para sa PhilHealth

Nananawagan ang United Filipinos in Hong Kong (UNIFIL-Migrante) sa Philippines Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ibasura ang sapilitang pangungulekta ng kontribusyon at pagtaas ng singil nito.

Isinagawa ng UNIFIL-Migrante ang protesta sa labas ng konsulado ng Pilipinas sa Hongkong noong Hunyo 3 kasabay ng isang linggong programa ng PhilHealth na “Service Mission” na inilunsad mula Hunyo 2 hangang 9. Pinuna ng grupo ang aktibidad bilang pangungulekta para kumita sa halip na tunay na serbisyo.

Kinundena rin ng grupo ang pakanang libreng serbisyo kuno ng Philhealth tulad ng pagparehistro, pagbibigay ng ID at pag-apdeyt ng kanilang rekord. Anila, isa lamang itong porma ng panlilinlang dahil responsibilidad ang mga ito ng ahensya, at hindi espesyal na alok.

“Hindi ito libreng serbisyo, isa itong negosyo. Hindi ito proteksyon kundi koleksyon,” pahayag ni Dolores Balladares, tagapangulo ng UNIFIL-Migrante.

Sa ilalim ng Universal Health Care Law (RA 11223), binabawasan ang buwanang sahod ng mga Pilipinong migrante o OFW nang 5% bilangkanilang “kontribusyon” sa Philhealt. Kung nahuli ang bayad, papatungan ito ng 1.5% interes.

“Magpapa-free registration kuno ang Philhealth ngayon sa “Service Mission” tapos magpapabayad ng kontribusyon. Tapos pag late nagbayad, papatawan ng interes. Nagkakautang bigla ang OFW kahit hindi naman nagamit. Anong klaseng health care yan? Andaming kondisyon, andaming requirements, puro bayarin. Direktang serbisyo ang kailangan ng OFWs, hindi mandatory at labis-labis na babayarin! Kawawa ang ordinaryong Pilipino sa ganitong klaseng health care!” dagdag ni Balladares.

Nanawagan din ang grupo para sa pagpapatanggal ng iba pang sapilitang kontribusyon kabilang ang sa Social Security System (SSS) at Pag-IBIG. Anila, binabawasan ng mga ito ang maliit nilang kita sa harap ng tumataas na bilihin sa Pilipinas. “ Ang kailangan namin ay buong pagtanggal ng sapilitang pagpapamyembro sa Philhealth, hindi lang suspensyon,” ayon naman kay ni Lai Besana, tagapagsalita ng UNIFIL-Hongkong,

Sa isinagawang protesta ng mga migrante, naglahad ng personal na karanasan sina Joseline Tanguid at Mimi Ysulat kung paano pinabayaan ng Philhealth ang kanilang pamilya.

Nagpahayag rin ng suporta sa naganap na protesta ang mga Pilipinong migrante sa Facebook page ng Migrante Hong Kong. Ayon kay Mylene, “(Ang) OFW pag nagkasakit di naman dyan sa pinas pinapagamot kay cover man ng healthcare ng amo sa ibang bansa. Paano magamit ni ofw ang mga benefits ni philhealth dyan sa pinas, besides hindi naman maibalik sa ofw ang contribution ng ilang taon na kapag di nagamit”.

“Bakit sa tuwing may inaalok na serbisyo kailangan may kaakibat na bayad na sapilitan. #ProteksyonHindiKoleksyon Bigyan nyo naman kami ng konting kaalwanan ano tingin ninyo samin gatasang baka?!” galit na pahayag ng migranteng si Anne.

“Kaya mga OFW matuto tayong lahat, gamit-gamit lang nila mga OFW para manalo. Walang magandang kinabukasan at walang makuha pag umuwi sa Pinas. Walang increase sa salary, maraming bayarin mgayon mandatory nanaman sa philhealth. Pag hindi makabayad may interes pa. Saan ang hustisya sa atin mga ofw?” malungkot na pahayag naman ni Norma, isa ring migrante.

“Ang kailangan ng ordinaryong Pilipino ay tunay na public health care. Yung libre, de-kalidad at accessible health care. Hindi komersyalisado, hindi pribatisado at hindi ginagamit ng mga trapo na balon pa ng kurapsyon” panawagan ni Baneng Mendez, pangkalahatang kalihim ng Bayan Hong Kong at Macau.

Nanawagan ang UNIFIL-Migrante para sa pananagutan at imbestigasyon kay Arnel Ignacio, dating administrador ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) hinggil sa kanyang maanomalyang pagbili ng lupa na nagkakahalaga ng ₱1.4 B na para diumano magsilbing halfway house ng mga OFW. Pinuna rin nila ang maling paggamit ng ₱15 B pondo ng Philhealth noong panahon ng pandemya at usapin ng mga ghost claimants.

Nanawagan rin sila sa rehimeng US-Marcos Jr. na ipatupad ang ₱1,200 na nakabubuhay na sahod bilang tugon sa lumalalang kahirapan.

“Habang 8,000 Pilipino ang lumalabas ng bansa araw-araw dahil sa hirap ng buhay, ang nakabubuhay na sahod ay makakatulong para hindi na magkawatak-watak ang mga pamilya, makapag-aral ang mg anak, makakuha ng disenteng bahay, at serbisyong medikal. Iyon ang kailangan naming pagbabago, hindi mas marami pang bayarin at hungkag na mga pangako,” dagdag ni Mendez.

Source link