Pinatunayan ng katatapos na midterm elections na wala itong saligang pagkakaiba sa mga nagdaang reaksyunaryong eleksyon. Muling namayani ang malawakang dayaan at mga kapalpakan ng mga makinang ginamit sa “elektronikong sistema ng eleksyon” batay na din ito sa mga ulat ng masmidya, mga poll watchdog at kahit mismong ang PPCRV. Inasa sa makina at software nito na mas nagpadali sa malawakang manipulasyon at pandaraya sa bilangan ng boto. Ang resulta ng eleksyon ay walang kredibilidad dahil sa kakulangan ng wastong proseso ng pagbusisi upang masigurong mapagkakatiwalaan ang sistemang automated at kawalan ng sapat na mekanismong nagpapatunay na nabibilang ng tama ang boto na ligtas sa dagdag-bawas.
Marami ang mga naitalang election violations na nagpapatunay na ang sistema ng automated na bilangan ay hindi mapagkakatiwalaang sumasalamin ng pasya ng mamamayan, kung saan nangunguna ang ACM (automated counting machine) errors katulad ng vote mismatch sa balota at VVPAT (voter verifiable paper audit trail), at ang kapansin-pansin na pagtaas sa mga kaso ng dinedeklarang overvoting ng makina. Nariyan din ang mga maanomalyang insidente katulad ng 5 milyong boto na dobleng nabilang, na “naiwasto” na walang sapat na paliwanag kung paano naganap, at pagkaaantala ng pagsubaybay ng election watchdogs at media sa unang bahagi ng bilangan para mabantayan ang takbo ng bilangan.
Katulad ng inaasahan, namayani ang mga dinastiyang pulitikal at burukratang representante ng mga pangkat ng naghahaharing uri sa mga pwestong lokal at nasyunal, maging sa partylist na dapat sana ay nakalaan sa representasyon sa kongreso ng mamamayang api at walang boses. Nai-etsapwera nila ang ilang mga totoo at progresibong partylist sa pamamagitan ng walang habas na paninira, pagpapakalat ng mga maling impormasyon, at tuwirang manipulasyon sa boto sa pamamagitan ng mga makina kapalit ng mga partylist na pag-aari ng mga dinastiyang pulitikal, mga pag-aari ng mga malalaking kapitalista at mga sagad sagaring anti-mamamayan na mga grupo ng partylist.
Mas tumindi at lalong naging mapangahas ang panghihimasok ng mga dayuhang kapangyarihan lalo na ng imperyalistang US para mailuklok sa pwesto ang mga pulitikong masugid na tagapagtaguyod ng interes nito sa layong mas mapahigpit ang kontrol sa bansa upang magsilbi sa kanyang pang-ekonomya at pampulitikang interes at sa labanan sa hegemonya sa Asia at buong mundo, lalo’t umiigting ang kanyang pang-uupat sa karibal na imperyalistang Tsina. Kailangan ng imperyalistang US ng maaasahang rehimen na magpapatakbo ng kanyang mala-kolonya na relatibong istable ang pamamahala na papabor sa kanyang mga interes.
Alam ng imperyalistang amo ni BBM na baka malagay sa alanganin ang kanyang interes kapag patuloy lamang itong umasa sa rehimen at paksyon ni BBM. Kailangan ng imperyalistang US na sa maagang yugto at sa huling tatlong taon ng panunungkulan ni BBM ay may maihanda na itong “reserbang kabayo” o “third force” na magtitiyak ng pagpapatuloy ng kanyang kontrol sa lipunang Pilipino. Mapapansin ang mga nakakapagtakang unprecendented na pagkapanalo ng ilang personalidad at partylist na kahit sila mismo ay hindi makapaniwala.
Patuloy ang pakikipagtagisan ng yaman at lakas ng naghaharing uri bawat tatlong taon para sa kapangyarihan sa burukrasya. Samantalang ang karamihan ng mga reaksyunaryo at mga lokal na dinastiya na nanalo o natalo, nagulat, napikon o tanggap man ang naging resulta ng eleksyon, ay nananahimik sa nangyaring dayaan, karahasan, at bilihan ng boto. Mananatili silang tahimik upang patuloy na mailako sa mamamayan ang ilusyon ng pag-asa para sa pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng eleksyon. Patuloy na sinasamantala ng mga dinastiyang pulitikal at malalaking kapitalista ang matinding kahirapan ng mamamayan para sa paglalako ng mumo at mga porma ng ayuda para makuha ang boto ng mamamayan. Batay sa isang international obserber, naitala nila ang malawakang pamimili ng boto sa buong bansa.
Samantalang para sa isang ordinaryong mamamayan, katulad ng karaniwang magsasaka na matapos makabili ng isda at ilang kilong bigas mula sa kapos na kita sa mga produktong inani, muli na namang nagkakamot ng ulo kung paano matutustusan ang gastusin. Matapos mabenta ang produktong agrikultural sa barat na halaga ay di sasapat ang kinita sa pang-araw-araw at gastusin para susunod na siklo ng pagtatanim katulad ng abono at pestisidyo. Hanggang ngayon ay pag-aari pa rin ng malalaking panginoong maylupa at estado ang lupang sinasaka ng malawak na maralitang magsasaka sa loob ng hene-henerasyon na patuloy na nagpapahirap sa kanilang kabuhayan at maaari pang palayasin anumang oras sa mga lupang sinasaka sa ngalan ng mga proyektong “pangkaunlaran” at pagpapalit gamit ng lupa. Para naman sa isang manggagawang tumatanggap ng linguhan o buwanang barat na sahod, nananatiling pasanin ang buwanang upa, mataas na presyo ng kuryente, tubig, at pamasahe, naka-ambang gastusin ng mga anak para sa pasukan, at maging ang bilihin para sa araw-araw katulad ng pagkain. Kahit ilang taon ng namamasukan sa kumpanya ay nanatili pa ring kontrakwal at walang seguridad sa trabaho. Maging ang mga petiburgesya, kasama ang mga guro at mga kawani ng pamahalaan ay nananatiling nakakaramdam ng matinding krisis at papadausdos na kabuhayan sa kabila ng paulit-ulit na reaksyunaryong eleksyon at mga pangako ng mga tradisyunal at dinastiyang pulitiko.
Hindi na bago ang ganitong kwento ng kahirapan ng nakararaming mamamayang nagmula sa uring manggagawa, magsasaka, at petiburgesya. Tuwing reaksyunaryong eleksyon, ang kalagayan ng mga mahihirap ang bukambibig sa mga pangakong pagbabago na tutugunan ng mga buwayang nagpapaligsahan upang maluklok sa pwesto sa ngalan ng “mandato ng boto” ng mamamayan. At sa napakaraming reaksyunaryong eleksyon na nagdaan, ang mga kwentong ito ng ordinaryong mamamayan ay hindi natutuldukan.
Samantalang obligado naman ang ibang kaguruan ng mga pampublikong paaralan na magsilbi sa reaksyunaryong eleksyon at humarap sa kahirapan at sakripisyo ng pangangasiwa sa frontline ng kondukta nito. Ipinamalas nila ang dedikasyon at pagkamalikhain sa paglutas ng mga suliranin likha ng kapalpakan ng sistema ng eleksyon kapalit ang kakarampot na barat na kumpensasyon. Kaya naman kaugnay nito, ipinanawagan ng KAGUMA sa kaguruan ang matapang na pagsisiwalat sa mga anomalya, depekto at kapalpakan ng nakaraang eleksyon. Tayo ay nasa mainam na posisyon upang mailantad sa publiko ang kabulukan ng reaksyunaryong eleksyon dahil sa ginagampanang espesyal na tungkulin tuwing halalan.
Nagdiriwang man ang mga trapo, dinastiyang pulitikal, at pangkat ng naghaharing uri sa kanilang pagkahalal, wala silang naidulot at maidudulot na saligang pagbabago sa buhay ng ordinaryong Juan, Jose, at Maria. Ipagkakanulo nila ang mamamayang Pilipino upang pagsilbihan si Uncle Sam kapalit ang ganansya, pabor, at kapangyarihan, makaladkad man ang bayan sa bingit ng imperyalistang digmaan. Sisimutin nila ang kaban ng bayan sa pangungurakot kahit hindi natututong magbasa at magbilang ang anak ni Maria dahil sa kakapusan ng pondo sa pampublikong edukasyon. Mangangamkam sila ng lupa para sa negosyo, mina, at plantasyon habang ang magsasakang si Juan ay wala pa ring pagmamay-aring lupa. Mananaktak pa rin ang pawis ng manggawang si Jose dahil sa napakataas na presyo ng pagkain, bilihin, at saligang serbisyo sa kabila ng mababang aliping pasahod.
Sa kasalukuyan, lumalala ang panlipunang inhustisya sa bansa at tumitindi ang paglalapastangan sa karapatang-pantao lalo na sa kanayunan na bumibiktima sa maraming magsasaka at pambansang minorya na hindi man lang binigyang pansin ng mga trapo at kandidato ng dinastiyang pulitikal at pangkat ng naghaharing uri sa nagdaang halalan. Walang maaasahang hustisya at makabuluhang serbisyo ang mamamayan sa mga katulad nilang nangingibabaw ang pagkagahaman sa yaman at kapangyarihan, ilandaang eleksyon man ang magdaan. Habang nananatili ang malakolonyal at malapyudal na lipunan, ang reaksyunaryong eleksyon ay nagsisilbi sa naghaharing uri, hindi sa bayan.
Rebolusyon ang tanging armas ng mamamayang Pilipino para makamtan ang hustisya at tunay na panlipunang pagbabago. Ang pagsusulong at pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan lamang ang magbibigay ng lupa sa maraming Juan, ang lulutas sa kapos na kita at kawalan ng seguridad sa trabaho ng mga manggagawang Jose, at maghahandog ng karampatang serbisyo panlipunan para sa pamilya ni Maria. Ang pagpapalakas sa Bagong Hukbong Bayan at pagtatayo ng demokratikong gobyernong bayan na may malawak at di natutuyong suporta ng mamamayan ang wawakas sa paghahari-harian ng reaksyunaryong militar sa kanayunan, magbibigay ng hustisya sa mga biktima ng pasismo at panananalasa ng estado at naghaharing uri sa buhay at kabuhayan ng maraming Pilipino.
Tanging ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan ang solusyon sa patuloy na krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Pauunlarin ang agrikultura sa pamamagitan ng pagpapatupad ng libreng pamamahagi ng lupa at nararapat na teknikal at pinansyal na tulong mula sa demokratikong gobyerno. Kasabay nito ang pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon na tunay na magsisilbi sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino. Ibibigay sa manggagawa ang sapat na bahagi ng kanyang ambag sa produksyon at nakakabuhay na sahod para sa kanyang pamilya. Ipaprayoritisa ang malaking badyet para sa mga serbisyo publiko na tunay na malalasap ng buong sambayanan, imbes na ilaan sa militarisasyon at korapsyon.
Sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at pagtatatag ng demokratikong gobyernong bayan ipapatupad ang tunay, malaya at demokratikong eleksyon. Dito ihahalal ang mga totoong representante ng aping sektor ng lipunan na kumakatawan sa malaking mayorya ng populasyon, mula sa magsasaka, maggagawa, mangingisda, mula sa pambansang minorya, kabataan, kababaihan, mga karaniwang kawani ng pamahalaan kasama ang mga guro, maliliit at makabayang negosyante at iba pang mga sektor at saray ng lipunan na nagtataguyod sa interes ng mayorya, hindi ng iilan at dayuhan. Kakatawanin nila sa demokratikong gobyernong bayan ang mga hinaing at pangangailan nila at bibigyan ng prayoridad ang pagpapatupad nito. Itatakwil ang malalaking dinastiyang pulitikal at mga tradisyunal na pulitikong kinakatawan ang interes ng malalaking panginoong maylupa, malalaking kapitalista at interes ng mga imperyalista lalo na ng US. Mga tunay na partidong pulitikal na kumkatawan sa mga aping sektor ang lalahok sa demokratikong halalan at hindi papayagan ang mga Partido ng mga dinastiya at trapo na pawang mga pansariling interes ang layunin sa pagtakbo sa mga halalan.
Kaya huwag tayong palilibang sa mga pangako ng reaksyunaryong halalan. Naghihintay sa kanayunan ang landas na tutungo sa pambansang paglaya at tunay na demokrasyang bayan para maitayo ang demokratikong gobyerno ng bayan. Ibayong palakasin ang armadong paglaban ng mamamayan, Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!