Mapaniil na patakaran sa pananamit sa kolehiyo sa Bulacan, muling binatikos

Nagpiket ang iba’t ibang grupo ng kabataan at estudyante sa tapat ng kampus ng City College of San Jose Del Monte (CCSJDM) sa Bulacan noong Mayo 28 para batikusin ang pagpapatupad ng administrasyon ng mapaniil na patakaran sa pananamit. Panawagan nila ang pagpapatupad ng isang Gender Affirmative Clothing Policy o patakaran sa pananamit na gumagalang sa kasarian ng mga estudyante.

Noong Marso 24 pa sinimulang ipatupad ng administrasyon ng CCSJDM ang memorandum na nagbabawal sa mga estudyanteng LGBT+ na magsuot ng uniporme na naaayon sa kanilang kasarian. Anila, lubhang taliwas ito sa sinasabi ng administrasyon na ang paaralan ay “inklusibo” at para sa lahat ng mag-aaral.

“Paano masasabing inklusibo ang pamantasan kung ang simpleng ekspresyon sa kasarian ay ipinagkakait?” pahayag noong Marso ng Kabataan Party-list San Jose Del Monte (KPL-SJDM), isa sa mga grupong lumahok sa piket.

Ayon sa grupong CC Barangaw, grupo ng LGBT+ sa kampus, kahit kakaunti lang ang hanay, hindi piniling manahimik ng mga masang estudyante sa harap ng sistematikong pananahimik ng administrasyon. Dagdag nito, sa isang lipunang palaging ang mga makapangyarihan ay nangunguna, naninindigan ang grupo sa panig ng masang estudyanteng tinatanggalan ng boses.

Paliwanag pa ng grupo, hindi isang simpleng kahilingan ang panawagan para sa Gender Affirmative Policy kundi bahagi ng malawak na pakikibaka para sa makatao, maka masa, at makauring edukasyon. “Ipapangako natin na hanggang nagpapatuloy ang laban, patuloy din natin palalakasin ang hanay ng mga masang estudyante,” anang grupo.

Nanawagan din ang mga grupong lumahok sa piket sa konseho ng mag-aaral ng CCSJDM at pahayagang pangkampus na makiisa sa laban ng mga estudyante. Hindi dumalo sa kilos protesta ang naturang mga institusyong pangmag-aaral.

“Ngayong hinog…na ang kabilaang isyu ng mga City Collegian—hidden fees, unfair na grade incentives, at student repressive policies, nakabibinging katahimikan ang kanilang ibinigay, na tila ba walang tumatayo sa hanay ng mga estudyante para ilaban ang kanilang mga karapatan,” pahayag ng KPL-SJDM sa kawalang aksyon ng konseho.

Muling nanawagan ang mga grupo na kaagad ibasura ng administrasyon ang atrasadong memorandum at itaguyod ang karapatan ng mga estudyante at ng LGBT+. Gugunitain ngayong Hunyo ang buwan ng pagkilala at pagtataguyod sa kaparatan ng LGBT+.

Source link