Gabriela, kinundena ang pagpapawalangsala sa isang heneral sa kasong pagpatay

Nagpahayag ng matinding galit sina Rep. Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party (GWP) at si Sarah Elago, Vice Chaiperson ng GWP sa pagpapawalangsala kay B.Gen. Jesus Durante III, dating brigade commander ng 1001st Brigade, sa kasong pagpaslang sa dating negosyante at modelo na si Yvonne Chua Plaza.

Anila, ang desisyon ng korte ng militar ay nagpapahiwatig ng kakila-kilabot na mensahe, na kahit sa harap ng dami ng indikasyon ng pang-aabuso at impunidad sa hanay ng militar, mananatiling mailap ang hustisya.

“Hindi ito hustisya. Isa itong kalokohan. Nakita ng publiko ang brutal na pagpaslang kay Yvonne Chua Plaza, ang mga ulat ang nagpatunay na sangkot ang mga aktibong upisyal ng militar, ang mga armas ay natunton sa mismong AFP. Hindi lang hustisya ang ipinagkait kay Yvonne—pinatunayan ng desisyong ito na sa ilalim ng kasalukuyang sistema, mas pinapaboran ang nasa kapangyarihan.” ayon kay Brosas.

Matatandaang binaril si Plaza ng dalawang lalaking nakamotorsiklo noong Disyembre 29, 2022 sa labas ng kanyang bahay sa Davao City.

Sa ulat ng Special Investigation Task Group-Plaza ng Philippine Regional Office-Davao Region na binuo nuong 2023, walo ang natukoy na salarin sa pamamaslang. Pangunahin dito si Durante bilang mastermind. Ang ibang mga salarin ay sina Colonel Michael Licyayo, Staff Sergeant Gilbert Plaza, Corporal Adrian Cachero, Private Class Delfin Sialsa, Corpora; Romart Longakit, Corporal Cabal at Noel Hapitan.

Kalaunan, umamin si Sialsa na siya ang bumaril kay Plaza at si Cachero ang nagmaneho ng motorsiklo. Anila, inutusan sila ni Durante na gawin ang krimen.

Batay sa kanilang pagsisiyasat, pinaslang si Plaza dahil may alam ito na sensitibong impormasyon laban kay Durante at dahil sa selos.

Ilang linggo bago siya paslangin, nagpost si Plaza sa kanyang Facebook page na sinisiraan siya ni Durante at ng asawa nito.

“Bgen Jesus Durante III pag ako patuloy nyo parin ipahiya at pag di nyo binawi ng wife mo ang mga allegations ninyo sa akin na drug addict ako at patuloy na takutin, etc, sasabog sa pagmumukha nyo ang lahat ng hawak ko at ng mga kaibigan kong files patuloy nyo akong sirain. I have a vault of evidences and the real story about this picture, the death of Menandro Villanueva aka Bok, the real story about the death of Chad Booc, etc.” Nagpaskil rin sya ng mga litrato nya na puno ng pasa sa mukha at sinabing binubugbog siya ni Durante.

“Ang kaso ng pagpaslang kay Yvonne Chua Plaza ay simbolo ng malawak na kultura ng karahasan at entitlement ng mga militar. Ang desisyon na ito ay isang patunay na ang buhay ng mga babae ay pwedeng kitlin ng kahihinatnan. Walang pananagutan basta sundalo ang sangkot. Hindi kami papayag sa ganun,” pahayag ni Elago.

“Ang dugo ni Yvonne ay nasa kamay ng sistema ng hustisya na yumuyuko sa mga makapangyarihan at bumabali sa lakas ng mga inaapi. Kailangan nating manindigan -para kay Yvonne at sa lahat ng libu-libong babaeng pinapatahimik ng sistemang ito” dagdag ni Brosas.

Nanawagan ang GWP ng pananagutan, hindi pagpapawalang sala- ang hustisya na nagsisilbi para sa mga biktima ng karahasan mula sa mga militar.

Source link