Desperasyon ng 96th MICO na makakalap ng impormasyon laban sa NPA nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente sa bayan ng Uson

Magkahalong galit at takot ang naramdaman ng mga residente ng Barangay Madao, Uson matapos itong ipatawag at isailalim ng 96th Military Intelligence Community Operations (96th MICO) sa matinding panggigipit at interogasyon noong Mayo 29, 2025.

Ang mga residente ng Madao na sina Baby Bacud, Alex Tumampil Buguero, Baby Arnejo, Gaga Arabis, Indayle Arnejo, Bongbong Francisco, Fe Apinar Peregrino, Ashley Dahunan, Dayday Peregrino Abunda, Junalyn Balayan Tumampil at Lanie Masdo Merdejia ay pinipilit at inoobliga ng 96th MICO na ituro ang mga kilala umano nilang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa kanilang lugar. Ito ay sa kabila ng mariing pagtanggi ng naturang mga residente na wala silang alam o hindi nila batid kung sinu-sino at saan matatagpuan ang hinahanap ng mga militar na kasapi ng NPA.

Nangangamba naman ang ilang kamag-anak at pamilya ni Lanie Masdo Merdejia na lumala ang sakit nito matapos makabilang sa 11 isinailalim ng 96th MICO sa matinding panggigipit at interogasyon. Nahihirapan na siyang magsalita matapos inatake sa sakit sa puso at diabetic rin si Merdejia.

Kasangkapan ng 96th MICO ang dating kasapi ng NPA na si Norman Banggalisan a.k.a Jade upang maghasik ng takot at pangamba sa mga residente na kung tulad ng mga ibang ex-NPA na kung sino-sino lang ang basta nalang ituro na may kaugnayan sa NPA.

Hinuli at isinailalim rin ng 96th MICO ang ina ni Lara Dumagan Potot sa barangay San Jose, Uson. Ilang araw na idenetine ng militar ang ina nito bago pinayagang umuwi sa mga kamag-anak nito sa Barangay Matagbac, Milagros.

Malaking perwisyo sa kabuhayan at araw-araw na aktibidad ng mga residente ang ginagawa ng militar sa kanila. Sa halip na makapokus sa pag-asikaso sa kanilang kabuhayan ay palaging nangangamba ang mga residenteng magsasaka na mapabilang sa biktima ng mga pakana ng militar. Batid ng mga residente, ang kinasasangkutang mga krimen ng 96th MICO sa ibang mga bayan sa Masbate kung saan pinalalabas lang ng mga ito na mga kasapi ng NPA ang kanilang mga biktima upang takpan ang kanilang krimen at paglabag sa karapatang-tao.

Nananawagan ang PKM-Masbate sa lahat ng Masbatenyo na ilantad at labanan ang desperasyon at pakana ng 96th MICO at lahat ng pwersa ng reaksyonaryong estado na kasalukuyang pinamumunuan ng rehimeng Bongbong Marcos Jr na isang papet, pasista at kurap. Dapat kumilos ang mga Masbatenyo upang panagutin at singilin si Marcos Jr sa pagpapatupad ng batas militar sa kanayunan na nagbigay pahintulot sa mga militar na isailalim sa kapangyarihan ng militar ang burukrasya sibil at labagin ang karapatan ng mamamayan.

Nananawagan rin ang PKM-Masbate sa lahat ng nangangalaga sa karapatang-tao, grupo man o indibidwal na tulungan ang mga biktima ng panunupil at pasismo ng reaksyunaryong gubyerno. Ilantad at labanan ang karahasan ng estado at mapanagot si Marcos Jr at armadong pwersa nito sa kanilang di mabilang na krimen sa mamamayang Masbatenyo.

Source link