Sa inilabas ng Ministry of Justice ng South Korea na 2024 Justice Yearbook, naitala nito ang 599 mga kaso at krimen na kinasangkutan ng US Forces Korea (USFK) noong 2023. Halos 70% mas malaki ito kumpara sa bilang ng mga kasong naitala sa bansa noong 2018.
Naitala ang 351 mga krimen noong 2018, 444 noong 2019, 541 noong 2020, 457 noong 2021 at 521 noong 2022. Ayon sa ulat ng ministri, ang mga krimen ay sumasaklaw mula sa lasing na pagmamaneho, mga aksidente sa kalsada, pagdadala ng droga, sekswal na krimen hanggang sa pananakit. Maraming insidente ang nagaganap tuwing gabi sa mga “distrito ng libangan.”
Ang USFK ay isang kumand sa ilalim ng US Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) na itinatag noong 1957. Binubuo ito ng mga pwersang pangkombat ng US na nakatalaga sa Korean Peninsula, kabilang ang US Eighth Army, US Air Forces Korea, US Naval Forces Korea, US Marine Forces Korea, at US Special Operations Command Korea.
Pinalalabas na ang pangunahing misyon ng USFK ay suportahan ang United Nations Command (UNC) at ang ROK/US Combined Forces Command (CFC) sa pamamagitan ng koordinasyon, pagpaplano, at pagpapatakbo ng mga pwersa ng US sa Korea. Ginagamit ito ng imperyalismong US para patuloy na kubabawan at kontrolin ang bansang South Korea, at sa mas malakawa, ang rehiyong Indo-Pacific.
Sa kabila ng mga krimen ng tropa ng US sa South Korea, marami sa mga sangkot ang basta-basta na lamang nakakatakas sa pananagutan dahil sa Status of Forces Agreement (SOFA) sa pagitan ng bansa at ng US. Pinirmahan noong Hulyo 1966 at naging epektibo noong Pebrero 1967, ang SOFA ay isang kasunduan na nagtatakda sa mga karapatan, pribilehiyo, at obligasyon ng mga dayuhang sundalo habang sila ay nasa teritoryo ng South Korea.
Alinsunod sa Artikulo 22 ng SOFA, maliban sa mga malubhang krimen tulad ng pagpatay, ang kustodiya ng mga suspek na militar ng US ay ibinibigay lamang sa South Korea pagkatapos ng pormal na pagsampa ng kaso ng prosekyutor. Nililimitahan nito ang mga pulis ng bansa na magsagawa ng ibestigasyon sa mga unang yugto pa lamang.
Liban dito, hindi maaaring gamitin sa korte ng South Korea bilang ebidensya ang anumang pahayag ng sangkot na sundalo ng US kung isinagawa ang imbestigasyon nang walang presensya ng kinatawan ng gubyerno ng US. Dahil dito, limitado at nakatali ang kamay kahit ng mga korte ng South Korea para litisin ang nagkasala.
Sa nagdaan, karaniwang pinapatawan ng napakababang parusa at multa ang mga sangkot na tropa ng US sa samutsaring krimen. Sa pinakamatindi, hindi sila nakararanas ng kahit anong kaparusahan.
“Ang kawalan ng pananagutan ng militar ng US ay isang katangian ng imperyalismo na sadyang umiiral. Habang ipinagmamalaki ng Seoul at Washington ang kanilang alyansa bilang “pagtutuwangan,” sa totoo ay isa itong relasyon ng dominasyon at neokolonyalismo,” pahayag ng Nodutdol for Korean Community Development, grupo ng mga anti-imeryalistang migranteng Korean sa US.
Pagdidiin ng grupo, ang mga sundalong Amerikano ay hindi mga kaibigan o panauhin ng mamamayang Korean. “Sila ay instrumento ng pananakop ng isang imperyo na ginagamit ang lupa at mamamayan ng Korea para sa sariling kapakinabangan,” anang grupo.
Noong Hulyo 2024, upisyal na inilunsad ng Nodutdol at iba pang mga grupong anti-imperyalista sa US ang kampanyang “US out of Korea.” Inilunsad nila ito bilang kontribusyon sa bumubwelong anti-imperyalistang kilusan sa Amerika at iba pang panig ng mundo, at laban sa okupasyong militar ng US sa Korea.