Karumal-dumal na pinatay ng mga sundalo ng 43rd IB at grupong paramilitar na Dos ang 65-taong gulang na magsasakang si Veronico “Tatay Birong” Anterio noong Setyembre 16 sa Barangay Carolina, Matuguinao, Samar. Pinuntirya siya ng mga sundalo dahil sa pagtindig niya sa paghaharing militar sa mga komunidad sa Matuguinao at paglapastangan sa kanilang kabuhayan.
Kilala si Anterio sa kanilang komunidad dahil sa pagsasalita niya laban mapanggipit na pagpapa-logbook sa mga residenteng lalabas ng baryo, paglilimita sa oras ng pagtrabaho sa bukid, kahit ang pagkokontrol ng pagkaing binabaon nila. Binatikos niya ang mga sundalo, na hindi man lang humingi ng tawad o nagbigay ng bayad-danyos, nang tapak-tapakan at sirain ang bagong tanim niyang palay.
Liban sa pagtataguyod sa karapatang-tao, kilala si Anterio bilang isang tradisyunal na manggagamot hindi lamang sa bayan ng Matuguinao kundi hanggang sa mga kalapit na bayan. Kahit ang mga pasistang sundalo ay lumalapit sa kanya dahil sa mahusay niyang pagbibigay-lunas gamit ang mga halamang gamot.
Naulila ni Anterio ang kanyang 11 anak, at ang tatlong apo na kanyang itinataguyod. Labis din ang panghihinayang at kalungkutan ng mga maralitang kanyang ipinaglaban at pinagsilbihan, na siya ring araw-araw na binibigo ng reaksyunaryong gubyerno na mabigyan ng de kalidad na serbisyong panlipunan.
Kinundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) ang krimen ng 43rd IB at ng paramilitar. Anang grupo, muli na namang nadagdagan ang inutang na dugo ng pasistang 43rd IB, ng Dos, at ni Aran Boller, ang pasistang meyor ng bayan ng Matuguinao na kumukontrol sa grupong paramiliar.
Si Anerio ang ika-pitong biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa Eastern Visayas ngayong taon, at ika-20 mula nang maupo sa poder si Marcos. “Sobra-sobra na ang pang-aapi at pagsasamantala nila sa masa. Sumusumpa kami na kakamtin ang hustisya,” ayon sa grupo.
Nanawagan rin ang NDF-EV sa masang magsasaka na magkaisa at tumindig laban sa terorismo ng estado at paghaharing militar sa rehiyon. “Palakasin ang hanay, lumahok sa digmang bayan at buong-tapang na labanan ang pasistang lagim ng AFP sa kanayunan!” anito.











