“Zero Billing” ng rehimeng Marcos, tinawag na “budol” ng mga manggagawang pangkalusugan

Panggagantso o “budol” lamang ang pakanang zero billing o walang bayad sa mga ospital ng Department of Health na ipinagmayabang ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang state of the nation address (SONA) noong nakaraang buwan. Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), hindi totoong walang babayaran ang mga pasyente. Bagamat saklaw ng programa ang mga laboratory test, gamot at mga professional fee ng mga duktor, maaari pa ring gumastos ang mga pasyente kung wala sa naturang mga ospital ang mga gamot o serbisyong kailangan nila. Gayundin, hindi saklaw ng programa ang mga pasyenteng may malulubhang sakit na kailangang nasa pribadong mga kwarto at mga pasyenteng nangangailangan ng espesyalisadong pagkalinga.

Matatamasa lamang ng mga pasyente ang programang zero billing sa 87 na ospital sa buong bansa kung saan 20 sa mga ito ay nakakonsentra sa National Capital Region. Hindi saklaw ng programa ang apat na malalaking espesyalstang ospital—ang Philippine Heart Center, Lung Center, National Kidney Transplant Institute, at Philippine Children’s Medical Center—na kumakalinga sa mga pasyenteng may malulubha nang sakit.

Dulot ng napakalimitadong saklaw, hindi mababago ng zero billing ang tantos ng out-of-pocket payment o pagbabayad ng mamamayan para sa serbisyong pangkalusugan mula sa sarili nilang bulsa, ayon sa Ibon Foundation. Noong 2024, nasa 42.75% ng gastusing pangkalusugan ay mula sa sariling kayod ng mamamayan.

Binatikos din ng AHW ang pagpasa ni Marcos sa pagpondo ng batayang serbisyong pangkalusugan sa Philhealth, isang ahensyang batbat ng anomalya at korapsyon. Tinanggalan nito ng pondo ang ahensya ngayong taon, at ₱53.3 bilyon lamang ang inilaan dito para sa 2026. Ayon sa grupo, may utang pa itong ₱8 bilyon sa mga ospital para sa mga taong 2018 hanggang 2024.

Dagdag ng AHW, palalalain ng pakanang ito ang sitwasyon ng mga ospital at manggagawang pangkalusugan na ngayon pa lamang ay bumabalikat na ng sobra-sobrang trabaho dahil sa kakulangan ng personel. Sa parehong SONA kung saan ibinida ni Marcos ang zero billing, wala siyang binanggit ng pagdagdag sa bilang ng mga nars at duktor, pagtataas ng kanilang mga sweldo at agarang pagbibigay ng kanilang mga benepisyo. Wala rin siyang nabanggit na itatayong mga bagong ospital para saklawin ang lumalaking populasyon ng mga Pilipino at bawasan ang kasalatan ng serbisyong medikal sa maraming bahagi ng bansa.

Source link