Tuloy-tuloy na Pandarahas at Terorismo sa Probinsya ng Masbate na kinasasangkutan ng 2nd IBPA, 96th MICO at Rebel Returnees

Agosto 13, 2018

Kinukondena ng Jose Rapsing Command-BHB Masbate ang walang tigil na pandarahas at terorismo ng berdugo at pasistang 2nd IBPA, 96th MICO at Rebel Returnees sa mga residente ng Brgy. Talisay, San Fernando, Masbate na nagdulot ng pagkatakot at pagkasira sa kabuhayan at ari-arian ng mga tao sa lugar.

Mag a-alas 6 noong Agosto 11 taong kasalukuyan ay muling inatake ng mga kasundaluhan ang mga residente ng So. Kaburihan, Brgy. Talisay, San Fernando, Masbate. Kahit walang kaukulang papel na galing sa korte ay pinasok ng mga sundalo ang mga kabahayan sa pag-aakalang nagtatago ang mga residente ng mga ilegal na gamit.

Ayon sa mga nakasaksi sa pangyayari ay pinaghahalungkat ang mga gamit nina Janeth Bona, Sally Bona, Brgy, Kgwd. Ramon Bartolay, mag-asawang Paeng at Jeneve Bartolay, Elsie Baldeo, at Esther Gan. Iba’t-ibang mga personal na gamit ang pinagkukuha sa mga biktima, kabilang ang isang flat screen tv, pabango, cellphone, pera at iba pa.

Maliban sa pagnanakaw ay pinagsasampal at binugbog din ang mga biktimang sina Sally Bona, Brgy. Kgwd. Ramon Bartolay at mag-asawang Paeng at Jeneve Bartolay.

Ito na ang pangatlong beses na bumalik sa lugar ang mga pasista at berdugong sundalo sa mga residente ng Brgy. Taisay, San Fernando. Una dito, noong Marso 15, 2018 ay pinagkukuha ang mga alagang manok, kambing at baboy, bangkang de motor at de sagwan, generator at iba pa. Muling itong bumalik noong Mayo 12, 2018 at kinuha naman ang 4 na motorsiklo na ginagamit sa hanapbuhay ng mga tao sa lugar.

Hindi lubos maisip ng mga Ticaonon kung sundalo pa ba ang mga ito dahil sa wala na itong pinagkaiba sa mga tulisan na kung makapangbiktima sa mga residente ay parang asong nauulol. Hindi na inalintana ng mga sundalo ang hirap na buhay ng mga tao sa lugar. Ayon sa mga residente ng baryo ay perwisyo sa mga tao, ari-arian at kabuhayan ang idinudulot ng mga operasyong militar na ito. Dagdag pa ng isang residente na ang AFP at PNP, kasabwat ang para-militar na grupo at rebel returnees ang pinakamalaki at organisadong grupong kriminal na namamayagpag ngayon sa bansa.

Hindi kataka-taka kung sa mga darating na araw ay pulu-pulutong na mga mamamayang Masbatenyo ang sasampa sa BHB para bagtasin ang daan ng armadong pakikibaka na magiging ambag sa pagpapabagsak sa pasistang diktadurang rehimeng US-Duterte. Hungkag din ang pagsusumikap ng kanilang punong kumander na si Duterte na makuha ang puso’t isipan ng mamamayan dahil mismong si Duterte ay hindi sinsero sa kanyang mga sinasabi. Taliwas ito sa mga binitawang salita niya bago at pakatapos ng eleksyong 2016. Marami ding mga opisyal sa AFP at PNP at maging mga retiradong heneral na itinalaga sa burukrasya ang nananabotahe sa usapang pangkapayapaan.

Hinahamon ng JRC-BHB Masbate ang lokal na pamahalaan ng Probinsya ng Masbate lalong-lalo na ang Sangguniang Panlalawigan kung saan may kinatawan mula sa isla ng Ticao at Burias na panindigan niyo ang sinumpaan nyong ipagtatanggol ang buhay at ari-arian ng masang Masbatenyo sa panahong ito. Nangangailangan ang masang Masbatenyo ng inyong tulong laban sa pandarahas at terorismo ng estado gamit ang AFP,PNP, Para-Militar at Rebel Returnees. Hindi lang dapat sa panahon ng kampanya tuwing eleksyon kung di sa lahat ng oras ay may tungkulin kayong protektahan ang mga mamamayan na siyang naglagay sa inyo sa kapangyarihang pampulitika na hawak niyo ngayon.

Nananawagan din ang JRC-BHB Masbate sa mamamayang Masbatenyo na ilantad at labanan ang lahat ng porma ng pang-aapi at pagsasamantala ng mga kasundalohan at kapulisan. Ipaglaban nyo ang karapatan nyo na ginagarantiya ng saligang batas ng Pilipinas na patuloy na nilalapastangan ng mga berdugo at pasistang teraniyang rehimeng US- Duterte.

Sa mga Rebel Returnees na tuwirang nagpapagamit sa AFP at PNP ay hindi sa lahat ng oras ay kakanlungin kayo ng AFP at PNP. Darating ang araw na matutulad kayo sa mga naunang rebel returnees na ginamit ng AFP at PNP na ngayon ay nagsisi na at walang mapuntahan dahil mismong pamilya, kamag-anak, kaibigan at kababaryo nila ay itinatakwil sila dahil sa krimeng nagawa sa taumbayan.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansanng Nagkakaisang Prente ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Isulong ang Digmang Bayan na magwawakas sa pasista at tiraniyang rehimeng US- Duterte!

LUZ DEL MAR
Tagapamahayag
Jose Rapsing Command
BHB- MasbateAgosto 13, 2018