Ang Bayan Ngayon » Tulong at rehabilitasyon, panawagan ng mg mangingisdang nasalanta sa Navotas

Nagprotesta ang mga mangingisdang nasalanta ng Bagyong Uwan sa Navotas noong Nobyembre 12. Nanawagan sila ng agarang ayuda at tulong para sa rehabilitasyon ng nasira nilang mga bahay, bangka at ari-arian.

Abot-dibdib ang tubig-baha sa maraming barangay ng syudad. Sa hatinggabi ng Nobyembre 9, bigla na lamang nawalan ng kuryente ang buong lunsod.

Ayon sa Pamalakaya, nasa 12,000 mangingisda sa syudad ang napinsala dahil sa bahang dala ng Bagyong Uwan. Ang 6,000 sa kanila ay napilitang magbawit. Binaha at nawasak kahit ang upisina ng Pamalakaya-Navotas.

“Gutom at walang kabuhayan ang (inabot ng) mga mangingisda sa gitna ng pananalasa ng bagyo,” pahayag ng grupo.

Kinundena nito ang palpak na paghahanda ng lokal ng gubyerno ng Navotas sa bagyong Uwan. Kinutya ng mga mangingisda ang pagtapal ng mga tauhan ng syudad ng plywood sa tabi ng dagat para pigilang “makapasok ang tubig-dagat.”

Naglagay lamang din ang mga tauhang ito ng dagdag na sandbag sa dike sa Barangay San Jose bilang “pansamantalang panangga sa tubig.” Nawasak ang dikeng ito sa kasagsagan ng bagyo, dahilan ng mabilis na pagtaas ng tubig-baha.

Agad ding pinatitigil ng mga mangingisda ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay na lalong nagsasapanganib sa kanilang buhay at kabuhayan. Isa rito ang 650-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project ng San Miguel Corporation.

“Ang bagyo na sadyang malakas na ay pinalala pa ng reklamasyon,” ayon sa grupo. “Dagdag pa sa pagwasak sa kalikasan ang pandarambong ng mga korap na pulitiko at ahensya ng gobyerno sa kaban ng bayan sa porma ng korapsyon sa mga flood control.”

Liban sa Navotas, napinsala rin ng bagyo ang mga mangingisda sa Cavite sa bayan ng Tanza (8,000), Rosario (5,000) at Bacoor (3,000).

Source link