Muling ipinanawagan ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pagtibayin nito ang utos na suspendihin lahat ng proyektong reklamasyon sa Manila Bay.
Ito ay matapos nakatanggap ng abiso ang mahigit 100 pamilya ng mangingisda mula sa lokal na pamahalaan ng Bacoor City noong nakaraang linggo na nag-uutos sa kanila na tanggalin ang kanilang mga kubo sa naturang syudad. Ito ay upang bigyang daan ang 420 ektarya na proyektong reklamasyon ng Frabelle Fishing Corporation.
Ang Frabelle Fishing Corp. ay kumpanyang pagmamay-ari ng pamilya ni Tiu Laurel Jr., ang kasalukuyang kalihim ng Deparment of Agriculture. Ang naturang proyekto ay kabilang sa mga isinuspinde na proyektong reklamasyon alinsunod sa utos ng rehimeng Marcos noong Agosto 2023.
Mula nang ipatupad ang proyekto noong 2020, malaki na ang nabawas sa kita ng mga mangingisda. Mahigit 700 pamilya na rin ang napalayas sa lugar.
“Labag sa kalooban namin na umalis sa baybayin at malipat sa malayong lugar kaya marami sa amin ang napilitan na bumalik dito sa Bacoor at magtayo ng pansamantalang tirahan sa tabing dagat kung saan naroon ang aming hanapbuhay,” pahayag ni Danilo Falce, isa sa mga residente na apektado ng proyekto at myembro ng Pamalakaya.
“Marami sa amin ang naging biktima ng sunud-sunod na sunog na hindi na pinahintulutang magtayo uli ng bahay sa lugar pagkatapos ng pangyayari,” aniya. Dahil sa mga sunog, naging mas madali para sa lokal na gubyerno na palayasin sila kahit walang maayos na relokasyon na malapit sa dagat.
Matatandaang nagsimula ang planong relokasyon ng lokal na gubyerno para sa mga pamilyang maapektuhan ng proyekto sa Naic, Cavite noong 2020.
May mga mangingisda na pumayag na lumipat matapos ang sunud-sunod na sunog sa lugar noong 2020 at 2023. Pinangakuan sila ng P30,000 kada isa pero sa aktwal, P10,000 lamang ang kanilang natanggap. Dahil sa hirap ng buhay sa Naic ay may mga pamilyang bumalik muli sa Bacoor,
Nagkaroon rin ng planong demolisyon noong Pebrero 2024 ngunit ipinagpaliban ito dahil sa malakas na protesta ng mga residente.
Ilang beses na rin naglunsad ng kilos-protesta ang mga mangingisda sa DA PARA ipatigil ang proyekto.
Nagpdala naman ng sulat ang Pamalakaya sa DENR noong Hunyo 9 na humihingi ng dayalogo upang himukin ang kagawaran na pagtibayin at ipatupad ang nagpapatuloy na suspensyon sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay.
Hangang ngayon ay wala parin tugon ng DENR sa liham ng grupo.