Sunud-sunod na pagdukot at pagtortyur sa 7 aktibistang Indian, kinundena

Malawakang kinundena ng mga demokratikong grupo, kabilang ng internasyunal na mga organisasyon, ang mga kaso ng pagdukot at pagtortyur ng mga pwersa ng estado sa pitong aktibistang Indian. Naitala ang mga kasong ito ng paglabag sa karapatang-tao noong Hulyo 9, 11 at 19 sa balangkas ng kampanyang kontra-insurhensya sa India.

Tatlong kabataang aktibistang Indian mula sa grupong Bhagat Singh Chhatra Ekta Manch (bsCEM) ang magkakahiwalay na dinampot nang walang mandamyento ng mga pwersa ng estado sa Delhi noong Hulyo 9. Kinilala ang mga biktima bilang sina Gurkirat, Gaurav, and Gauraang.

Noong Hulyo 11, dinampot rin sa Delhi ng parehong yunit ng mga pwersa ng estado sina Ehtmam-ul Haque at Baadal. Ang dalawa ay mga myembro ng Forum Against Corporatization and Militarization (FACAM), isang organisasyon ng iba’t ibang sektor at organisasyong masa kung saan kabilang ang bsCEM.

Sa araw ding iyon, dinampot ng parehong yunit ang psychologist at manggagawang panlipunan na si Samrat Singh sa Yamunanagar, Haryana, na halos tatlo hanggang apat na oras ang layo mula sa New Delhi. Iginigiit ng mga grupo na lagpas na sa awtoridad at saklaw ng hurisdiksyon ng naturang yunit ng pulis ang pagdampot.

Higit isang linggo makalipas, dinukot ng mga pwersa ng estado ang kabataang aktibista na si Rudra pagkadating niya sa istasyon ng tren sa Delhi mula sa Kholkata noong Hulyo 19. Nagpunta siya sa syudad para makipagtagpo sa mga kapwa aktibista.

Ayon sa Campaign Against State Repression (CASR), organisasyon sa India na lumalaban sa panunupil ng estado, lahat ng mga biktima ay iligal na idinetine ng mga pulis sa espesyal na selda sa New Delhi. “Hindi ito isang wastong istasyon ng pulis kundi maikukumpara sa isang lugar sa pagtortyur sa isang espesyal na selda, kung saan ipinailalim sila sa brutal na tortyur,” ayon sa grupo.

Dumanas sila ng iba’t ibang tipo ng tortyur kabilang ang pambubugbog, sapilitang pagpapahubad, banta ng panggagahasa, paglublob ng mukha sa inodoro, pangunguryente at mental na pagpagpapahirap. Sa pagbabahagi ng mga biktima, ayon sa CASR, sa unang tatlong araw ng kanilang detensyon sila nakaranas ng pinakamalulupit na pagpapahirap. Ibinahagi pa ng mga ito na nakakarinig sila ng sigaw mula sa hiwa-hiwalay na selda kung saan sila ikinulong.

Anang CASR, bagaman nakalaya na ang mga biktima mula sa magkakaibang tagal ng kanilang detensyon, patuloy nilang iniinda ang epekto ng matinding tortyur at pagdakip sa kanila.

Nanawagan ang grupo sa iba pang organisasyon na kundenahin ang pagdukot sa mga kabataan at estudyanteng aktibista at makiisa sa sigaw paras a hustisya. Kaugnay nito, naglabas ng pahayag ng pagsuporta ang mga internasyunal na organisasyon kabilang ang International Indigenous Peoples Movement for Self-Determination and Liberation, People’s Coalition on Food Sovereignty, Asia-Pacific Research Network at Peoples Forum on Peace for Life. Hinimok nila ang iba na pirmahan ang nagkakaisang pahayag na kanilang pinasimulan.

Sa pahayag na ito, idiniin nila na bahagi ang serye ng pagdukot at pagtoryur ng kampanya ng estado ng India laban sa tinagurian nitong “gera sa mga Naxal” (o kilusang Maoista sa India) at ang paratang sa mga organisasyon na “ligal na prente” ng rebolusyonaryong grupo. Dagdag nila, bahagi ito ng tinatawag na Surajkund Scheme na sinimulan noong 2022 at ng Operation Kagaar simula Enero 2024, lahat sa balangkas ng pambansang kampanyang kontra-insurhensya sa India na Operation SAMADHAN-Prahar.

“Ang [mga operasyong ito] ng rehimeng Narendra Modi ay hayag na gumagaya sa playbook ng U.S. Counterinsurgency (COIN) na ginagamit ng mga estado sa iba’t ibang bahagi ng mundo kung saan hinahamon ng mga kilusang masa ang paghahari ng imperyalismo,” anang pahayag.

Hinikayat nila ang lahat ng mga demokratikong pwersa at mga mamamayan sa buong mundo na nagmamahal sa kapayapaan na makiisa sa pagbatikos sa mga serye ng iligal na pag-aresto, pagdukot, at pagpapahirap laban sa mga aktibistang Indian. Anito, marapat na ipanawagan ang pagwawakas sa pasistang karahasan na inilulunsad ng rehimeng Modi laban sa mga mamamayang Indian.

Source link