Si Ka Louie at ang di-nagmamaliw na lunggati ng bayan para sa kalayaan

 

Mga kaibigan at kasama,

Ipinararating ng pamunuan at buong kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), sampu ng lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mahigpit na pakikiisa sa lahat ng nakatipon ngayon dito sa UP Asian Center na pinakamamahal na mga kasama, kaibigan at kamag-anak ni Kasamang Luis Jalandoni.

Kasama ninyo ang buong Partido at hukbong bayan sa pagdiriwang ng rebolusyonaryong buhay ni Ka Louie. Sa buong bansa, itinatanghal at iwinawagayway ang Pulang bandila bilang pagkilala at pagpaparangal kay Ka Louie bilang tunay na bayani ng sambayanang Pilipino.

Sa loob ng ilang dekada, buong pagpapakumbaba siyang naglingkod sa bayan bilang pari, Pulang mandirigma, detenidong pulitikal, union organizer, guro, negosyador pangkapayapaan, at sugo ng sambayanan. Iniukol ni Ka Louie ang kanyang buong buhay para sa kapakanan ng mga inaapi at pinagsasamantalahan, na walang hinihintay na kapalit o kabayaran. Sa harap ng pandaigdigang komunidad, buong-husay niyang kinatawan ang National Democratic Front na tumindig para sa interes ng sambayanang Pilipino at kumatwan sa demokratikong gubyerno ng bayan.

Puspos ng adhikain ng sambayanan para sa kalayaan at katarungan, at yakap ang ideolohiya ng proletaryado, nakipagkapit-bisig si Ka Louie sa mga manggagawa at magsasaka. Mula sa mga asyenda ng Negros hanggang sa mga piketlayn ng La Tondeña, kasama si Ka Louie sa makasaysayang paglaban para wakasan ang paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Utang ng kasalukuyang salinlahi ng sambayanang Pilipino kay Ka Louie at sa ilang nagdaang henerasyon ng mga rebolusyonaryo at mandirigma, ang lahat ng nakamit at tagumpay sa ilang dekadang armado at hindi armadong pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Puo-puong libo silang sumuong sa panganib at nagsakripisyo upang pag-alabin ang paninindigan ng sambayanan na baguhin ang takbo ng kasaysayan ng bansa, at palagablabing muli ang apoy ng pambansa-demokratikong kilusan.

Sadyang huwaran ang naging buhay ni Ka Louie, laluna para sa mga kabataang ibinubulid ngayon sa kadiliman ng krisis at kawalang pag-asa. Ipinakita ng karanasan ni Ka Louie na sa gitna ng pang-aapi at pagsasamantala, ang kaluguran at kaliwanagan ay matatanto sa landas ng pakikibaka, sa piling ng masang lumilikha ng bagong bukas.

Huwaran din si Ka Louie sa mga nakatatandang rebolusyonaryo. Kahit nagretiro sa mga katungkulan noong 2018, nanatiling aktibo hanggang sa kanyang huling hininga. Sa edad na nubenta, hindi nawaglit sa isip ni Ka Louie ang simulain ng sambayanan para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya. Ang buong buhay ni Ka Louie ay wagas na katapatan sa sambayanang Pilipino at sa lahat ng uring api sa anumang sulok ng mundo.

Pumanaw si Ka Louie sa panahong kinakaladkad ang bayan sa lumalaking imperyalistang sigalot at banta ng gerang inuudyok ng US sa Asia. Sa tulak rin ng imperyalistang amo, malawakang inihahasik ang terorismo ng estado sa gerang pununupil ng rehimeng Marcos upang bigyang-daan ang walang habas na pag-agaw sa lupa, pandarambong sa yaman ng bansa, at pagpapahirap sa bayan ng mga dayuhang kapitalista, malalaking burgesyang komprador, burukratang kapitalista at panginoong maylupa.

Kailangang kailangan ngayon ng sambayanang Pilipino at lahat ng rebolusyonaryo na taglayin ang hindi natitinag na tapang at paninindigan, upang ipagtanggol ang kapakanan ng masa at ipagpatuloy ang paglaban para sa kalayaan. Dapat mabatid ng lahat na anuman ang lupit ng paninibasib ng imperyalistang halimaw at mga alipures nito, wala itong laban sa bayang nagkakaisa at makatarungang naghihimagsik.

Sa pagbagtas sa mahirap na landas ng pakikibaka, higit lalo sa landas ng digmang bayan, hamon sa lahat ng nagmamahal sa sambayanan, na tularan si Ka Louie at lahat ng ating dakilang bayani: Gawin ang lahat ng kailangang pagsasakripisyo, at lubos na ialay ang lahat ng talino at lakas, hanggang sa huling patak ng ating pawis at dugo, para makamit ang minimithing kalayaan.

Humalaw ng inspirasyon sa buhay at halimbawa ni Ka Louie, at ilakip sa ating diwa ang hindi nagmamaliw na lunggati ng sambayanang Pilipino para sa pambansang demokrasya at sosyalismo.

Habampanahong panatilihing buhay ang alaala ni Ka Louie!

Mabuhay ang National Democratic Front!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Source link