Binatikos ng Human Rights Advocates in Negros (HRAN) ang taktika ng sadyang pag-antala ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bacolod City sa pagpuproseso sa mga dokumento at papeles ni Felipe Gelle, isang tagapagtaguyod ng karapatang-tao, para kaagad na makapagpyansa. Sari-saring dahilan ang ginagamit ng CIDG Bacolod para patagalin ang kanyang detensyon, na labag sa kanyang mga karapatan.
Si Gelle ay kusang sumuko sa CIDG-Bacolod para harapin ang tinawag niyang gawa-gawang kaso ng paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 na isinampa ng mga pwersa ng estado. Kasalukuyan siyang nakakulong sa CIDG-Negros Island Region sa Camingawan, Bacolod City.
Sa mandamyento de aresto na inilabas ni Judge Cyril Regalado ng Iloilo City Regional Trial Court Branch 31 noong Enero 15, itinakda ang pyansa sa halagang ₱200,000. Hindi mapruseso sa kasalukuyan ng mga abugado ang pyansa dahil naibalik na umano sa korte ang mandamyento at naghihintay pa ulit ang mga pulis ng bagong atas.
“Sa kabila ng pormal na pakikipag-usap ng mga abugado ni Gelle na nagrerekwes na ipasa na ang mga kinakailangang dokumento, wala pa ring nagagawang makabuluhang aksyon para umusad ang proseso,” pahayag ng HRAN. Tinawag ng grupo na tahasang panggigipit at inhustisya ang pag-aantalang ginagawa ng CIDG-Bacolod.
Nanawagan ang HRAN na suportahan si Gelle at ang kanyang laban para makalaya at tuluyang ibasura ang kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.
Matatandaang naunang inaresto noong Enero ng mga pulis at nakalaya sa bisa ng pyansa ang ibang idinadawit sa kaso ng “terrorism financing” na sina Federico Salvilla at Perla Pavilla. Ang isa pa, na si Dharyl Albanez, ay “sumuko” sa pulis at nakalaya rin sa pyansa.
Ang mga biktima ay mga manggagawang pangkaunlaran na may kaugnayan sa Paghida-et sa Kauswagan Development Group Incorporated (PDG Inc). Ang PDG Inc ay isang organisasyon sa sentral at timog na bahagi ng Negros Island at nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka at mga mangingisda para sa sustenableng agrikultura at repormang panlipunan. Itinatag ang organisasyon noong dekada 1980.