Panukalang bilyun-bilyong pondong pampaganda ng mga kampo militar, tinutulan ng mga magbubukid

Mahigpit na tinutulan ng mga magbubukid ang muling pagsusulong ni Senador Allan Peter Cayetano ng panukalang batas na AFP at PNP Camp Development Fund Act na maglaan ng ₱5 bilyon kada taon para sa limang taon sa pagpapaganda ng mga kampo ng militar at pulis. Sa kabuuan, aabot sa ₱50 bilyon ang panukala ni Cayetano na ilaan para sa mga proyektong tulad ng pagtatayo ng “wellness at sports facilities,” pati na rin ang pagpapabilis ng internet sa loob ng mga kampo.

Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), isa itong “fascist home improvement” na naggagantimpala sa mga armadong pwersa ng estado na kilala sa pang-aabuso at pasismo sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan, ang mga magsasaka at mangingisda. Binatikos ng grupo ang paggamit ng pondo para sa pagpapaganda ng mga kampo ng mga pasistang ito, na pangunahing salarin sa pangwawasak sa kanilang mga bahay at sakahan.

“Habang kinakasangkapan ng mga panginoong maylupa at kumprador ang pulis at militar para agawan ng lupa ang mga magsasaka at gibain ang kanilang mga tahanan, gagarbohan pa ng estado ang kampo ng mga hudas at berdugong ito?” pahayag ni Ariel “Ka Ayik” Casilao, pambansang tagapangulo ng UMA.

Nakasusuklam ang paglalaan ng malaking pondo sa kampong militar at pulis habang libu-libong pamilya ng magsasaka ang nawawalan ng tahanan at kabuhayan. Halimbawa, higit 900 na mga tahanan sa Hacienda Luisita, Tarlac ang nanganganib na gibain upang bigyang daan ang 290-hektaryang estate ng malalaking pamilya ng Ayala, Lorenzo, at Cojuangco.

Sa Zambales, mahigit 100 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa mga landgrabber na kunektado sa mga negosyanteng tulad ng San Miguel Corporation, na may sangkot sa operasyon ng coal power plant sa lugar. Nang ipagtanggol ng mga magsasaka ang kanilang komunidad, limang myembro ng asosasyon ang inaresto ng pulis.

“Dapat mariing tutulan ang panukalang lustayin muli ang kaban ng bayan sa pasismo,” ayon kay Casilao. “Sumisirit ang presyo ng mga bilihin, taggutom maski sa mga komunidad ng prodyuser ng pagkain, at malubhang krimen sa taumbayan ang sayangin ang pondo ng bansa sa panunupil sa anakpawis kaysa ilaan ito sa subsidyo sa produksyon, alalay sa sahod, programang pabahay, at tunay na repormang agraryo.”

Source link