Kaisa ng malawak na mamamayang Pilipino, mariing kinukundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas ang desisyon ng Korte Suprema na umaantala sa prosesong impeachment laban kay Vice-President Sara Duterte. Ang pagwawalang-bahalang ito ng Korte Suprema sa pagnanakaw ni Duterte sa milyun-milyong pera ng bayan ay sampal sa mukha ng mga Pilipinong sinalanta ng kalamidad, patuloy na pinababayaan at pinahihirapan ng bulok na estado.
Kung gusto, maraming paraan; kung ayaw, maraming dahilan. Ginamit ng Korte Suprema ang kung anu-anong teknikalidad para tiyaking patuloy na makawala sa pananagutan si Sara sa kanyang mga krimen. Tulad ng Senado nag-aabugado ang Korte para kay Sara, tinitiyak ang “nararapat na proseso” para sa kanya at walang-pagpapanggap na pumapabor sa akusado imbes na sundin ang panawagan ng mamamayan na panagutin ang isang magnanakaw.
Masidhi ang galit ng sambayanan sa ginawa ng Korte Suprema na dominado ng mga huwes na may utang na loob kay Rodrigo Duterte. Pero kung ordinaryong tao ang akusado, sa hustisya ng naghaharing estado walang “nararapat na prosesong” kinikilala. Iyon ay dahil ang estado ay instrumento ng kagaya ng mga Duterte at Marcos para maghari at magkamal ng yaman. Kaya ganoon na lamang kabilis na ikumpas ang anumang desisyong magpapatuloy ng kanilang pang-aabuso sa kapangyarihan, kahit pa taliwas ito sa konstitusyon nilang sa kahuli-huliha’y palamuti lang.
Bagama’t pinakamataas na upisyal ng rehimen, bahag pa rin ang buntot ni Bongbong Marcos sa paghahabol na mapanagot at mapatalsik si Sara kahit pa pabor ito sa kanya. Animo’y natatakot si Marcos na mabuyangyang ang sariling pangungulimbat sa pampublikong pondo sa tabing ng confidential funds at habulin siya ng hustisya ng mamamayan.
Lalong lumilinaw na kahit na pagtiyagaan ng mamamayan ang kabagalan at pasikut-sikot ng burukrasya, paulit-ulit pa rin silang bibiguin ng mga institusyon ng reaksyunaryong gubyerno. Lagi’t lagi lang sasagkaan ng mga bulok na pulitiko gaya ng mga Duterte at Marcos ang mga prinsipyo ng hustisya at pananagutan. Lagi’t lagi lang magiging dehado ang mamamayan sa ilalim ng sistemang pumapabor sa mga nang-aapi at nananamantala.
Ano pa nga ba ang landas na dapat tahakin ng mamamayan? Wala silang makakamit na ganap na hustisya sa ilalim ng ganitong sistema. Malinaw na ang pag-asa nila ay nasa demokratikong rebolusyong bayan, sa pag-agaw sa pampulitikang kapangyarihan para sa mamamayan at pagwasak dito upang maitayo ang bagong estadong tunay na magsusulong ng kanilang interes. Sa ilalim ng Demokratikong Gubyernong Bayan, hindi palalampasin ang mga pangungurakot, pagpapabaya at pagpapahirap ng mga upisyal na katulad ng mga Duterte at Marcos.
Sa pinakakagyat, dapat magbigkis ang taumbayan at palakasin ang kanilang sigaw ng paniningil sa mga Duterte at Marcos. Kailangang pukawin, organisahin at pakilusin ang paparami pang Pilipino, mula sa kanayunan hanggang sa kalunsuran, upang isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka. Dapat lalong magpalakas ang Bagong Hukbong Bayan, wasakin ang reaksyunaryong poder ng estado at hawanin ang landas tungo sa pagtatayo ng isang tunay na gubyerno ng mamamayan.











