Naglunsad ng protesta ang iba’t ibang organisasyon para ipanawagan ang hustisya sa pagpatay ng isang sundalong Amerikano sa transwoman na si Jennifer Laude noong Oktubre 11, 2014. Lagpas isang dekada na mula nang patayin si Laude ngunit wala pa ring nakakamit na makabuluhang hustisya ang pamilya ng biktima. Pinangunahan ang mga pagkilos ng mga balangay ng Bahaghari.
Pinatay si Laude ng tauhan ng US Marine na si Joseph Scott Pemberton sa Olongapo City. Si Pemberton ay nasa Pilipinas noon bilang kalahok sa isang war games na inilunsad sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at US.
Kahit nahatulan si Pemberton sa pinababang kaso na “homicide,” hindi siya nakulong sa Pilipinas o naipailalim man lamang sa kustodiya ng gubyerno ng Pilipinas. Ito ay dahil alinsunod sa VFA, ang US ang pangunahing awtoridad na magtatakda sa kanyang pagkakabilanggo, kahit pa nahatulan siya ng korteng Pilipino. Mas malala, noong 2020, pinagkalooban ng dating rehimeng Duterte ng “absolute pardon” ang kriminal na si Pemberton at nakabalik sa US.
Bilang panawagan ng hustisya, nagtirik ng kandila ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP) sa kanilang kampus sa Diliman at Baguio noong Oktubre 10. Giit nila, dapat alalahanin si Laude, tutulan ang panghihimasok ng US sa Pilipinas at kagyat na ibasura ang VFA at Enhanced Defense Cooperation Agreement na yumuyurak sa soberanya ng bansa.
Naglunsad rin ng isang gabi ng kultural na pagtatanghal ang Bahaghari UP Baguio at mga katuwang nitong organisasyon. Binuksan rin ng grupo ang “Say Her Name” Art Exhibit sa Museo Kordilyera para ipakilala at buhayin ang mga alala ng makukulay na buhay na ninakaw ng abuso, karahasan, at kamatayang dulot ng estado. Bukas ang eksibit mula Oktubre 15 hanggang 17.
Nagmartsa rin ang ilang grupo sa Ateneo de Manila University (ADMU) noong Oktubre 10 bilang panawagan para sa hustisya kay Laude. “Mula sa mga kasong tulad ng kay Jennifer Laude, nakikita natin na pinapatay at inaapi ng imperyalistang war machine ng US ang mga myembro ng LGBTQ+, patuloy na naghahasik ng takot at nambubusal sa pagtindig,” ayon sa League of Filipino Students-Katipunan, isa sa mga grupong lumahok sa martsa.











