Pinagpupugayan ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid ng Lambak Cagayan ang dakilang buhay at di-matatawarang ambag ni Luis “Ka Louie” Jalandoni, internasyunalista at matatag na haligi ng pambansa-demokratikong rebolusyon pangunahin sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pagtataguyod ng usapang pangkapayapaan upang lutasin ang ugat ng armadong tunggalian. Namayapa si Ka Louie sa edad na 90 noong Hunyo 7, 2025 sa Utrecht, the Netherlands.
Nagluluksa ang mga magsasaka at mamamayan ng Lambak Cagayan sa pagpanaw ng isang dakilang rebolusyonaryo at komunista na nagsulong ng mga kapakanan ng mga pesante at manggagawang agrikultural para sa tunay na reporma sa lupa at panlipunang paglaya. Ipinapaabot ng PKM-CV ang taos-pusong pakikiramay kay Kasamang Coni Ledesma, sa kanilang anak na si Jose Edmundo “Pendong” Jalandoni, at sa lahat ng mga kamag-anak at kaibigan ni Ka Louie. Ngunit sa kabila ng pagdadalamhati, puno ang aming puso dahil di pangkaraniwan at makabuluhan ang naging buhay ni Ka Louie sa paglilingkod at pagpapalaya hindi lamang sa sambayanang Pilipino kundi sa mga mamamayan ng buong daigdig at uring proletaryado. Mananatiling buhay ang kanyang diwa at pakikibaka hanggang sa susunod na salinlahi na magtataguyod ng landas para sa tunay na demokrasya, hustisyang panlipunan at sosyalismo.
Pagtalikod sa uri at pagtahak sa rebolusyonaryong landas
Ipinanganak si Ka Louie noong ika-26 Pebrero 1935 sa isang pamilya ng malaking panginoong maylupa sa Silay, Negros Occidental. Sa kabila nito, mas pinili niyang talikuran ang ginhawa at karangyaan nang mahubog ang kanyang malalim na pampulitikang kamalayan bilang dating aktibistang pari ng simbahang Katoliko at pinuno ng Social Action Center ng Diocese of Bacolod sa pamamagitan ng paglubog sa buhay at pakikibaka ng mga sakada at manggagawang agrikultural sa mga hasyenda at asukarera ng Negros. Walang kapaguran si Ka Louie sa pagsama sa mga picket line at pagsuporta sa mga manggagawa sa tubuhan kabilang ang welga laban sa Victorias Milling Corporation. Ipinamahagi rin niya ang kanyang manang lupain sa pagpapatayo ng bahay at eskwelahan sa daan-daang kasama ng kanilang hasyenda. Ang mismong danas ni Ka Louie sa kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi ang humubog at nagpatibay sa kanyang paninindigan hindi lamang bilang isang alagad ng pananampalataya kundi bilang tagapagsulong ng rebolusyon. Isang buhay na patunay na ang materyal na kalagayan ng lipunan at tunggalian ng uri ang siyang nagmumulat sa masa at nagpapanday bilang komunistang rebolusyonaryo. Patunay rin ito na ang masa ang tagapaglikha ng kasaysayan, at posible ang isang lipunang walang pagsasamantala at pang-aapi.
Bago naging kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, pinamunuan ni Ka Louie ang pagtatatag ng Christians for National Liberation (CNL) noong 1972 at kalauna’y nahalal sa National Executive Board sa asembliya nito kasama si Ka Coni. Isa ang CNL sa mga kaalyadong organisasyon sa pagtatayo ng NDFP noong Abril 1973. Nang ideklara ng diktadurang Marcos Sr ang batas militar, kumilos si Ka Louie at Ka Coni sa underground bilang paglaban sa pasistang paghahari. Nahuli at ikinulong sila noong 1973 ngunit nakalaya noong 1974 dahil sa masiglang protesta at kampanya ng mga relihiyoso at internasyunal na organisasyon para sa karapatang-tao. Nang makalaya, agad na bumalik sa rebolusyonaryong gawain si Ka Louie at tumulong sa pag-oorganisa ng makasaysayang welga ng mga manggagawa ng La Tondeña sa Maynila—ang pinakaunang labor strike sa ilalim ng batas militar na bumasag sa takot ng masa at naging hudyat ng muling pagdaluyong ng mga pakikibakang masa noong dekada 1970 at 1980. Ngunit dahil sa banta sa kanilang buhay at kaligtasan, natulak sila Ka Louie at Ka Coni na humingi ng political asylum sa the Netherlands, at mula sa pagkakadistyero ay walang kapagurang gumampan sa mga rebolusyonaryong tungkulin upang lumikom ng suporta para sa rebolusyong Pilipino.
Internasyunalista at haligi ng NDFP
Sa loob ng mahigit limang dekada, hindi matatawaran ang naging papel ni Ka Louie sa gawaing internasyunal at proto-diplomatiko sa pagitan ng iba’t ibang mga dayuhang gobyerno, rebolusyonaryong partido at progresibong kilusan sa iba’t ibang sulok ng daigdig upang buklurin at palawakin ang anti-imperyalista at anti-pasistang nagkakaisang prente sa buong mundo at ikawing ito sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa katunayan, bago pa man sila tanggapin bilang political refugees ay naitalaga na si Ka Louie bilang internasyunal na kinatawan ng NDFP, samantalang si Ka Coni ay aktibo sa pampulitika at gawaing pag-oorganisa sa Europe.
Susi ang naging papel ni Ka Louie sa pagtatayo ng internasyunal na tanggapan ng NDFP sa Utrecht at pagkalap ng suporta sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa pasistang diktadurang Marcos Sr. Pinangunahan din niya ang pagbubuo ng People’s Permanent Tribunal sa Pilipinas noong 1980 na naglantad sa malawakang paglabag ng karapatang pantao sa ilalim ng batas militar.
Naitalaga si Ka Louie bilang chief negotiator ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at reaksyunaryong Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) noong 1989. Krusyal ang naging tungkulin niya sa paglalatag ng balangkas para sa pagbubukas ng usapang pangkapayaan na layong kamtin ang makatarungan at pangmatagalang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagresolba sa mga ugat ng insurhensiya: kahirapan, inhustisya, at pangangayupapa sa dayuhan. Sa pangunguna at pamumuno ni Ka Louie, napirmahan ang mahahalagang kasunduan katulad ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na nagbigay-daan sa ligtas at malayang paglahok ng mga NDFP consultants sa peace talks; ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) noong 1998 upang protektahan at igalang ang karapatan ng mga kombatant at sibilyan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong digma; at ang pagbabalangkas at pagkakabuo ng CASER na may layuning tugunan ang sosyo-ekonomikong suliranin ng mamamayang Pilipino. Sa mahigit 50 taon pagpupunyagi ng NDFP na seryosong makipag-usap sa bawat reaksyunaryong rehimen, saksi si Ka Louie sa lahat ng mga ikot at liko na pinagdaanan ng usapang pangkapayapaan at kung paano ito nilapastangan ng reaksyunaryong gubyerno.
Para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan
Bagamat sa mesa inilatag ni Ka Louie ang pambansa-demokratikong kahilingan ng mamamayang Pilipino, matapang at mariin niyang pinanindigan, kasama ang buong NDFP peace panel, na hindi sa pagsuko at pagluhod makakamit ang tunay na hustisyang panlipunan, demokrasya at pambansang paglaya, bagkus sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Huwaran ng katapatan, katatagan at buong-pusong paglilingkod sa sambayanan si Ka Louie na marapat lamang pamarisan ng mga aktibista at rebolusyonaryong pwersa. Kailanman ay hindi mabubura sa kasaysayan ang kanyang mga naging ambag sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang kanyang maningning na rekord at makabuluhang buhay na inialay para palayain ang api at pinagsasamantalahang uri ang magpapasubali sa lahat ng tangkang paninira ng NTF-Elcac at mga kasapakat nito.
Lubos na nagpapasalamat ang mga magsasaka at mamamayan ng Lambak Cagayan sa lahat ng pagsisikap, sakripisyo at inialay ni Ka Louie upang kamtin ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Hindi magmamaliw ang kanyang iniwang alaala at legasiya, at habampanahong magsisilbing gabay at huwaran ng di-pagkamakasarili, kababaang-loob, katapatan at katatagan sa pagtahak sa mahaba at masalimuot na landas ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay.
Mabuhay ang alaala ni Ka Louie Jalandoni!
Ipagpatuloy ang kaniyang dakilang rebolusyonaryong pamana!