PRWC » Proyektong SCMB Railway ng US, pagyurak sa kapakanan ng sambayanan—CPP

Mariing kinundena ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Railway Project na itinutulak ng US at tutang rehimeng Marcos sa ilalim ng Luzon Economic Corridor (LEC). Ang proyektong ito ay malinaw na nagsisilbi sa interes ng imperyalismong US at mga dayuhang kapitalista, habang binabalewala ang kapakanan ng sambayanang Pilipino, lalo na ang mga magsasaka at pambansang minorya.

Sa ilalim ng kasunduang pinirmahan ng rehimeng Marcos at US Trade and Development Agency, bilyun-bilyong dolyar ang ibubuhos para sa riles na mag-uugnay sa mga base-militar ng US sa Luzon, hanggang sa bukana patungong Palawan at mga lugar sa Visayas.

“Hindi ito para sa tunay na kaunlaran ng bansa, kundi unang-una, para sa mabilisang paggalaw ng mga sundalo, armas, at kagamitang pandigma ng US,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal ng CPP. “Ang SCMB Railway ay bahagi ng estratehiya ng US para palakasin ang kontrol nito sa Pilipinas at pigilan ang paglakas ng China sa rehiyon. Ginagamit ang proyektong ito bilang tuntungan ng US para sa kanilang layuning militar at heyopulitikal, hindi para sa kapakanan ng mga Pilipino.”

Walang tunay na benepisyo ang proyektong ito para sa karaniwang Pilipino. Sa halip, magdudulot ito ng malawakang dislokasyon at sapilitang pagpapalayas sa daan-daang libong magsasaka at pambansang minorya sa kanilang mga komunidad, dagdag ni Valbuena.

Sa mapait na karanasan ng mamamayan, paliwanag ng CPP, ang ganitong mga proyekto ay nagreresulta sa malawakang pagkamkam ng lupa ng mga magsasaka, kabuhayan, at pagkasira ng kultura ng mga apektadong komunidad. Kadalasan, hindi sapat o hindi natutupad ang mga pangakong kompensasyon at relokasyon, at lalo pang ibinabaon sa kahirapan ang napapalayas na mga mamamayan.

“Ang SCMB Railway at iba pang proyektong LEC ay isinusulong hindi para sa interes ng lokal na ekonomya kundi para sa dayuhang negosyo at militar,” ani Valbuena. “Ibabaon nito lalo sa utang ang bansa, habang ang mga dayuhang kumpanya ang tunay na makikinabang sa ating likas na yaman at murang lakas-paggawa.”

Panawagan ng CPP sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga manggagawa, maralitang tagalunsod, magsasaka, at pambansang minorya, na lubos at militanteng labanan ang SCMB Railway Project at iba pang proyektong militarista at hegemoniko.

“Ang tunay na kaunlaran ay makakamit lamang sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, hindi sa pagsuko ng ating soberanya at kabuhayan sa dayuhang interes,” ayon kay Valbuena.

Source link